Tesda

eKYC inilunsad ng TESDA

Edd Reyes Jul 9, 2026
22 Views

INILUNSAD ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang electronic Know-Your-Customer (eKYC) sa TESDA Skills Passport na layong matukoy kaagad ang pagkakakilanlan sa mga mag-aaral at naghahanap ng trabaho.

Ayon kay TESDA Secretary Kiko Benitez, layunin nito na tiyakin ang seguridad at gawing mas madali para sa mas maraming Pilipino na patunayan ang kanilang pagkakakilanlan sa digital platform na magpapataas sa tiwala sa plataporma bilang repository ng skills, qualifications, certification at training records ng mga learners.

Sa pamamagitan ng eKYC, maaaring itugma ang mga personal na impormasyon sa PhilSys, National ID number o QR code at nakasuporta rin sa ibang ID na iniisyu ng pamahalaan tulad ng Passport, Driver’s License, SSS ID, GSIS eCard, UMID, Postal ID, Voter’s ID at PhilHealth ID.

Ang aplikasyon ay nagsisilbing digital na talaan ng kasanayan at sertipikasyon, na tumutulong sa mga manggagawa na makahanap ng trabaho at oportunidad. Sa kasalukuyan, mayroon na itong mahigit 243,000 na na-download at halos 180,000 na rehistradong gumagamit.

Ang mga beripikadong users ay may access sa mga training, impormasyon tungkol sa scholarship, job listings, learning pathways at iba pang serbisyong kaloob ng TESDA. Ang TESDA Skills Passport ay maaaring i-download sa Android at iOS devices.