Electric Bus

Electric bus ng QC tutulong bawasan ang pollution — Joy

Cory Martinez Jan 2, 2025
22 Views

SINIMULAN na nitong Huwebes na gamitin ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang mga bagong electric bus para sa programa nitong libreng sakay.

Nakalaan ang mga naturang electric bus para sa Route 1 ng QCity Bus, na mula Quezon City Hall hanggang Cubao at vice versa.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, alinsunod ang naturang hakbang sa pagsisikap ng pamahalaang lungsod na alagaan ang kapaligiran, at bawasan ang polusyon mula sa mga tradisyonal na sasakyan.

Ang mga electric Q City bus ay mayroon mababang sahig kumpara sa mga pangkaraniwang bus. Nagbibigay-daan ito para sa mas madaling pagpasok at pagbaba ng mga pasahero, pati na ang mas komportableng paglalakbay.

Mayroong 41 na seating capacity ang mga naturang bus at mas marami ang espasyo para sa standing.

Papayagan ang limitadong bilang ng standing na mga pasahero upang matiyak ang kumportable at ligtas na pasakay.

Sinabi pa ni Belmonte na mananatili ang parehong ruta at schedule ng mga electric Q City bus para sa Route 1, kasama na ang mga bus stops.

Nakaalalay naman ang mga kawani ng Traffic and Transport Management Department (TTMD) upang masiguro ang maayos na pagbiyahe sa Route 1 gamit ang makabagong electric Q City buses.