Electrician Source: Tarlac Police Provincial Office file photo

Electrician pinaulanan ng bala, patay

Edd Reyes Oct 15, 2025
274 Views

TINADTAD ng bala ng hindi pa kilalang salarin ang 52-anyos na electrician habang nakaupo sa loob ng tindahan ng kaibigan Martes ng hapon sa Lipa City, Batangas.

Dedo kaagad ang biktimang si alyas “Roger” na residente ng Purok 3, Barangay Muntingpulo, Lipa City, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan.

Mabilis na tumakas ang suspek na nakasuot ng dilaw na sando at short pants, sakay ng kanyang motorsiklo patungo sa gawi ng Brgy. San Isidro sa naturan ding lungsod.

Sa ulat ng Batangas Police Provincial Office, nakaupo sa loob ng tindahan ng kanyang kapitbahay si alyas “Roger” nang dumating ang hindi pa kilalang salarin dakong alas-5:40 ng hapon at kaagad na pinagbabaril ang biktima.

Nirerebisa na ng pulisya ang kuha ng CCTV sa naturang lugar na posibleng maging daan para makilala ang salarin, habang wala pang impormasyon ang pulisya sa motibo ng pamamaslang.