Traffic enforcer Source: Screen grab mula FB video

Empleyado ng MPCG nasagasaan, nakaladkad ng SUV, dedbol

175 Views

TIGOK agad ang empleyado ng Metro Parkway Clearing Group (MPCG) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang masagasaan at makaladkad ng sport utility vehicle (SUV) habang nagdi-direct ng traffic habang may clearing operation sa Quezon City noong Sabado.

Sa report kay P/Capt. Napoleon Cabigon, hepe ng QCPD Traffic Sector 3, bandang alas-2:45 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa EDSA-P. Tuazon tunnel.

Abala umano sa pagmamando ng trapiko ang biktima sa lugar para abisuhan ang mga motorista na may clearing operation o paglilinis ng tiles sa pader ng tunnel nang bigla na lang dumiretso ang puting SUV sa lane kung saan nakatayo ang biktima kaya nasagasaan at makalakad ng ilang metro.

Agad namang hinabol ng kasamahan ng biktima ang SUV driver at nakorner ito pagsapit sa Cubao exit.

Sa pahayag ng SUV driver sa pulisya, nakaidilip umano siya kaya hindi niya napansin ang mga traffic cone at mga warning devices na inilagay sa kalsada upang i-cordon ang isang lane, kung saan nagmamando ng trapiko ang biktima.

Nangako naman si MMDA Special Operations Group Head Gabriel Go na tutulungan ang pamilya ng biktima bagamat nagkaareglo na ang magkabilang panig.

“Nag-usap na ‘yong dalawang partido. Napag-usapan ‘yong nangyari at parehong nag-agree na walang may kagustuhan kung ano man ‘yong resulta ng insidente.

Nag-offer ng settlement si client, the driver of the vehicle, and it was accepted.

Full satisfaction po ‘yon. Ibibigay sa kanila now para tapos na lahat,” pahayag ni Atty. Angelyn Gonzaga, abogado ng SUV driver.