Calendar
Enrile: War ni Duterte sa droga di legitimate
KWESTYUNABLE para kay dating Senate President Juan Ponce Enrile ang war on drugs campaign ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na masasabi umanong hindi naaayon sa mga karaniwang pamamaraan ng pagpapatupad ng batas.
Ayon kay Enrile, Chief Presidential Legal Counsel ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pamamaraang ginamit sa kampanya ay hindi sang-ayon sa mga itinakdang legal na proseso sa bansa.
“They think that the PRRD drug war was a legitimate law enforcement policy. It was not. The anti-drug law did not, to my recollection, authorize killing suspected people with impunity,” sabi ni Enrile sa isang Facebook post noong Sabado.
“No Congress, under our constitutional law, ever authorized summary killings of suspected people,” dagdag pa ni Enrile na ipinunto na ang 1987 Constitution ay tutol sa parusang kamatayan.
Ang mga naging pagpatay umano sa pagpapatupad ng Duterte drug war ay hindi umano maaaring tingnan na lehitimong aksyon o simpleng paglabis sa isang operasyon na naaayon sa batas.
“Even criminals caught red-handed are not authorized by law to be killed summarily, unless they resisted with violence. Police power in this country is not licensed to kill suspected people with impunity. Police power is generally controlled by LAW and DUE PROCESS,” ani Enrile.
Ginawa ni Enrile ang pahayag matapos imbestigahan ng quad committee ng Kamara de Representantes ang war on drugs ng nakaraang administrasyon, kung saan inusisa ang mga pamamaraang ginamit sa kampanya.
Sa isinumiteng progress report noong Disyembre 2024, inirekomenda ng House quad comm ang paghahain ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Duterte at dalawang opisyal ng administrasyon nito.
Binigyang-diin sa report ng komite ang maraming kaso ng extrajudicial killings (EJK) at paglabag sa karapatang pantao sa mga anti-drug operation.
Kinilala ng Commission on Human Rights (CHR) ang ulat ng quad comm na isa umanong patunay na walang sinoman na nakakataas sa batas.
Iginiit din ng CHR ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pananagutan at ang pangangailangan na masusing maimbestigahan ang mga pang-aabuso.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), kanilang pag-aaralan ang mga rekomendasyon ng quad comm.
Si dating Pangulong Duterte ay nahaharap din sa imbestigasyon kaugnay ng kanyang war on drugs campaign sa International Criminal Court (ICC).
Mayroong pangamba ang ICC sa kampanya ni Duterte na hindi umano masasabing lehitimo o simpleng pagmamalabis lamang sa mga isinagawang operasyon.