Chiz

Escudero nais bigyan ng tulong mamumuhunan, maliliit na negosyo

71 Views

NAIS PAIGTINGIN ni Senate President Francis Chiz Escudero ang pagpasok ng mas maraming pamumuhunan sa bansa at ang pagpapanatili ng kasalukuyang mga mamumuhunan sa pamamagitan ng pagpasa ng Ilan mga pagbabago sa Republic Act 11534 o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act para masigurong makakatulong sa mga nais mag negosyo sa bansa.

Ayon kay Escudero, ito ay isang prayoridad na panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tinawag na CREATE to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (MORE).

Ang panukalang batas na tinutugunan ang iba’t ibang alalahanin na inilahad ng mga mamumuhunan ukol sa implementasyon ng CREATE ay panimulang hakbangin Ng administrasyon Marcos para papalakasin ang ekonomiya ng bansa

“Ang Senate Bill No. 2762 o CREATE MORE ay magpapasimple at magpapabilis sa mga probisyon ng value added tax ng RA 11534, partikular sa pagproseso ng mga VAT refund claims at ang VAT zero-rating sa mga lokal na pagbili.”

“Ang mga pagkakaiba sa mga patakaran para sa mga insentibo na ito ay nagdulot ng pagkadismaya sa mga kasalukuyang mamumuhunan na anila ay humahadlang sa mga bagong mamumuhunan na makita ang ating bansa bilang potensyal na destinasyon,” ani Escudero.

Dagdag pa rito, binigyang diin ng Pangulo ng Senado na ang mga pagkakapare-pareho ng mga patakaran ay may masamang epekto din sa mga lokal na supplier na maaaring magresulta sa pagkawala ng malaking bahagi ng kanilang merkado bilang resulta.

Base sa datus, nagresulta Ang pagpatupad ng CREATE na nagsimula noong 2021 hanggang Disyembre 2023, kung saan ay mahigit 100,000 bagong trabaho ang nalikha habang ang kabuuang inaprubahang pamumuhunan ay umabot sa P1.1 trilyon.

Ibinaba ng CREATE ang regular na corporate income tax rate mula 30 porsyento hanggang 20 porsyento para sa mga domestic enterprises na may taxable income na P5 milyon pababa, at kabuuang assets na hindi lalampas sa P100 milyon. Ang mga negosyo na may assets na lampas sa P100 milyon ay pinatawan ng 25 porsyentong buwis.

Ang CREATE MORE ay magpapakilala rin ng karagdagang deductions sa gastusin sa kuryente ng mga Registered Business Enterprises, na ayon kay Escudero, ay magpapataas sa competitiveness ng Pilipinas sa harap ng katotohanang ang bansa ay may isa sa pinakamataas na presyo ng kuryente sa buong mundo.

Ang industriya ng IT-BPM ay magkakaroon din ng benepisyo mula sa CREATE MORE sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa flexible working arrangements batay sa ilang mga pamantayan.

“Mas magiging competitive sila sa pagkuha at pagpapanatili ng mga tauhan, marami sa kanila ang nakasanayan na ang work-from-home o remote working arrangements mula noong pandemya ng COVID-19 noong 2019,” ayon kay Escudero.

Binati ng Pangulo ng Senado si Committee on Ways and Means Chairman Sen. Sherwin Gatchalian sa matagumpay na paggabay sa pagpasa ng panukalang batas sa Senado.

Ang SBN 2762 ay ang pagsasama-sama ng SBN 2564 na inakda ni Gatchalian, SBN 2684 ni Sen. Juan Miguel Zubiri, House Bill No. 9794, at Senate Resolution Nos. 219, 244, at 567 na inihain nina Senador Risa Hontiveros, Minority Leader Aquilino Pimentel III, at Gatchalian ayon sa pagkakasunod-sunod.