Espinosa3

Espinosa handang umatras sa mayoralty bid

76 Views

HANDA umanong umatras si Kerwin Espinosa at talikuran ang pulitika makamit lamang ang hustiya sa sinapit ng kanyang ama na pinatay umano sa isang police operation sa loob ng kulungan.

Sa pagdinig ng House quad committee ngayong Biyernes, iginiit ni Espinosa na walang kinalaman sa puliitka ang kanyang pagtestigo sa komite.

Si Espinosa—ang anak ng pinaslang na si Albuera Mayor Rolando Espinosa, ay napatay sa loob ng kulungan noong 2016 matapos na maisama sa narcolist ng noon ay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Hustisya po para sa papa ko, kaya kong talikuran ‘yang pulitika,” ito ang tugon ni Espinosa sa tanong ni Quad Committee co-chair Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez.

Bilang patunay, sinabi ni Espinosa na handa siyang umatras sa kandidatura para tutukan ang paghahanap ng hustisya para sa kanyang ama.

Sa pagharap sa Quad Committee, ikinuwento ni Espinosa ang mga naranasan ng kanyang pamilya sa drug war-related EJKs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinanong ni Bulacan Rep. Dan Fernandez ang mga motibo ni Espinosa sa kanyang paglabas, lalo na’t siya ay kamakailan lamang nagsumite ng kandidatura para sa pagka-alkalde.

“Hindi mo kami masisisi kung mag-iisip kami na may halong pulitika ang ginagawa mo. But if you withdraw, baka ako mismo maniwala sa sinasabi mo,” ayon kay Fernandez.

Ipinahayag din ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang kanyang pagdududa sa ‘timing’ ng testimonya ni Espinosa, lalo na’t ito ay nangyari sa panahon ng halalan.

“Bakit niyo po naisipan na ngayon lumabas at magsabi ng katotohanan lalo na ngayong panahon ng eleksyon? Baka isipin na ginagawa niyo ito para sa election campaign o media mileage,” ayon kay Khonghun.

Nilinaw ni Espinosa na ang kanyang desisyon na lumantad ay dulot ng hangaring makamit ang hustisya, hindi pulitika, at idinagdag niyang siya ay nahikayat ng iba pang mga biktima ng EJK na nagsalita

“Ginagawa ko ‘to na lumutang dito sa Quad Comm kasi napanood ko, marami nang lumutang na mga biktima sa EJK na marami nang naglakas na loob na isiniwalat ang mga hinanaing nila sa pangyayari ng patayan sa ating bansa sa EJK,” giit pa nito.

“‘Yun ang nag-udyok sa akin kung bakit ako lumutang dito sa Quad Comm, walang halong pulitika po ito,” ayon pa kay Espinosa.