Espinosa QUAD COMM – Nagbigay ng testimonya ang resource person na si Kerwin Espinosa matapos manumpa na ihahayag ang katotohanan sa pagdinig ng Quad Committee na ginanap sa People’s Center ng Kamara de Representantes hapon ng Biyernes. Kuha ni VER NOVENO

Espinosa pinilit ni ‘Bato’ na idawit Leila sa droga

96 Views

Espinosa1INAMIN ni Rolan “Kerwin” Espinosa, ang self-confessed drug lord, nitong Biyernes na pinilit umano siya ni dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa noong 2016 na aminin ang kanyang pagkakasangkot sa illegal drug trade at idawit ang ilang kilalang personalidad, tulad nina dating Sen. Leila de Lima at negosyanteng si Peter Lim.

Ginawa ni Espinosa ang pahayag na ito sa kanyang testimonya sa House quad committee kung saan isinalaysay niya ang hirap na dinanas ng kanilang pamilya bilang mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng brutal na kampanya laban sa droga ng administrasyong Duterte.

Pinatay sa loob ng selda noong Nobyembre 5, 2016, ang kanyang ama na si dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa matapos sumuko sa mga awtoridad dahil sa umano’y pagkakadawit nito sa illegal drug trade. Nagbanta pa noon si dating Pangulong Rodrigo Duterte na magiging target ito ng pulisya kung hindi magpapasaklolo.

Sa kanyang pagtestimonya, sinabi ni Espinosa na matapos siyang maaresto sa Abu Dhabi, siya ay dinala pabalik ng Pilipinas kung saan pinilit umano siya ni Dela Rosa na idawit sina De Lima at Lim sa kalakaran ng droga.

Detalyado niyang ikinuwento ang kanyang pagdating noong Nobyembre 17, 2016, kung saan sinalubong siya nina Dela Rosa at iba pang opisyal ng pulisya bandang alas-11 ng gabi.

“Sinundo ako ng mga kapulisan dito sa atin, ang sumundo sa akin si General Bato, inakbayan niya ako papunta sa sasakyan,” pag-alala ni Espinosa habang isinasalaysay ang pagsakay niya sa puting bulletproof na Land Cruiser.

Ayon kay Espinosa, habang nasa loob ng sasakyan, nakaupo si Dela Rosa sa harapan at siya naman ay nasa likod, sa pagitan ng dalawang pulis. Dito umano sinabi ni Dela Rosa na dapat niyang aminin ang pagkakasangkot sa drug trade at idawit sina De Lima at Lim.

“Sinabihan niya ako na aminin mo na sangkot ka sa kalakaran sa droga dito sa Pilipinas at idawit ko si Peter Lim at si Leila de Lima para madiin na sila,” pagbubunyag ni Espinosa.

Pitong taon nang nakulong si De Lima dahil sa mga kasong droga pero tuluyan na siyang napawalang-sala sa mga paratang na umano’y binalangkas lang para siya’y patahimikin.

Samantala, si Peter Lim naman ay tinukoy ni dating Pangulong Duterte bilang isa sa pinakamalalaking drug dealer sa bansa.

Dagdag pa ni Espinosa, tinakot umano siya ni Dela Rosa na kapag hindi siya sumunod, maaaring matulad siya sa sinapit ng kanyang ama o kaya’y may isa sa mga miyembro ng kanyang pamilya ang mamamatay.

“Kung hindi raw ako sumunod sa plano, pwedeng mangyari sa akin ang nangyari sa ama ko, isa sa mga pamilya ko ang mamatay din,” aniya, dagdag pa niya na sobrang takot at pagkalito ang kanyang naramdaman noon.

Ibinunyag din ni Espinosa na inutusan siyang isama si aktor-politiko Richard Gomez sa listahan ng mga sangkot sa illegal drugs, kahit alam niyang walang katotohanan ang mga paratang.

Sa kabila ng matinding pressure, tumanggi si Espinosa na iligal na idawit si Gomez, na noon ay mayor ng Ormoc City at kasalukuyang kinatawan ng ika-apat na distrito ng Leyte.

Ikinuwento rin ni Espinosa na bago mamatay, humingi ng tulong ang kanyang ama kay Dela Rosa at pansamantalang nanuluyan sa tinatawag na White House sa Camp Crame para lamang mabuhay.

Sa kabila nito, inilipat pa rin si Mayor Espinosa sa Baybay Provincial Jail, kung saan siya pinatay sa isang operasyon ng pulisya.

Ayon pa kay Kerwin, nagmamakaawa ang kanyang ama bago ito pinaslang. “Nagmamakaawa ang aking ama, ‘Sir, huwag niyo po akong patayin,’ pero wala, binaril pa rin siya,” pahayag ni Espinosa.

“Ang aking ama at ang aming pamilya ay naging biktima ng EJK. Napakasakit po sa amin ang pagkawalay ng napakaraming inosenteng buhay,” emosyonal na sabi ni Kerwin sa pagdinig.

“Ang aking ama ay mabuting naglingkod sa aming mahal na lungsod ng Albuera, ngunit ang kanyang mabubuting layunin ay hindi natupad dahil pinatay siya,” dagdag pa niya.

Inihayag din ni Espinosa ang kanyang pagkadismaya sa mabagal na pag-usad ng hustisya at nanawagan sa mga miyembro ng panel na panagutin ang mga responsable.

“Matagal na po kaming naghihintay ng hustisya. Alam ko po na ang aking ama, saan man siya ngayon, ay naghihintay din ng katarungan,” sinabi niya sa mga miyembro ng komite.

Binigyang diin din ni Kerwin ang kahalagahan ng imbestigasyon at nanawagan ng mas matibay na aksyon para matigil ang EJK sa bansa.

“Sana po sa pagpunta ko dito ay makatulong ako na matuldukan ang isyung ito at mapanagot ang mga may sala,” sabi niya.