Suspek

Estudyante, angkas na tattoo artis nakuhan ng boga matapos takasan checkpoint

Edd Reyes Apr 30, 2025
17 Views

SuspekTIKLO ang 21-anyos na estudyante at kasama niyang tattoo artist matapos takasan ang police checkpoint dahil sa pagdadala ng baril Miyerkules ng madaling araw sa Malabon City.

Nakalayo na sana sina alyas John, 31, at ka-angkas niyang senior high school student na si alyas James, kapuwa residente ng Caloocan City, sa ginawang pagtugis sa kanila ng mga tauhan Sub-Station 1 sa Brgy. Potrero subalit naharang naman sila sa isa pang checkpoint na isinasagawa ng Sub-Station 2 sa Brgy. Tinajeros na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan, pinara ng kanyang mga tauhan ang magka-angkas sa isinasagawang Oplan Sita sa Gov. Pascual Avenue, Potrero dakong alas-3:00 ng madaling araw subalit sa halip na huminto, humarurot patakas ang dalawa kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang umabot sa kanto ng Sisa St. Brgy. Tinajeros kung saan sila tuluyang nasakote.

Napansin kaagad ng mga pulis ang nakasukbit na baril ng dalawa sa kani-kanilang baywang at nang kumpiskahin, nakuha kay alyas John ang isang paltik na kalibre .38 revolver na kargado ng bala habang replica naman ng isang cal. super 38 pistol na kargado rin ng bala kay alyas James.

Kinumpiska rin ng mga tauhan ni Col. Baybayan ang motorsiklong gamit ng mga suspek bunga ng kawalan ng plaka at mga dokumento na magpapatunay kung sino ang nagmamay-ari nito.