Biktima Ang duguang uniporme ng biktima. GIL AMAN

ESTUDYANTE PINATINGALA NG KAKLASE, SINAKSAK SA LEEG

Gil Aman Oct 20, 2026
112 Views

PINATINGALA muna ang isang 12-anyos na Grade 7 student ng kanyang kaklase bago sinaksak sa leeg habang school break sa San Pablo City National High School sa Brgy. San Jose, San Pablo City, Laguna, nitong Lunes, Oktubre 19, 2026.

Sa ulat ni P/LT. Col. Mederic Villarete, hepe ng San Pablo City police, ang biktima ay isinugod sa San Pablo Doctors Hospital para gamutin sa mga sugat na tinamo mula sa mga saksak ng suspect.

Nasa stable na kundisyon na umano ang biktima.

Isang dalawang pulgadang peeler knife ang ginamit umano ng suspek.

Nasa pangangalaga na ng Local Social Welfare and Development Office (LSWDO) ang 12-anyos na suspek na kinilala ng Department of Social Welfare and Development ((DSWD) bilang Child In Conflict with the Law.

Nagpahiwatig ng pagtataka ang lolo ng biktima na kung paano naipasok ang peeler knife sa paaralan sa kabila ng mga mahigpit na pagbabawal laban sa mga matatalim na bagay.

Ipinatawag umano ang biktima ng suspek dakong alas 12:00 ng tanghali at pinapunta sa gilid ng paaralan.

Ayon kay PCMS Romeo Alejandrino, chief investigator, ang peeler knife ay nakatago sa bulsa ng suspek.

Dagdag ng imbestigador na pinagsabihan umano ng biktima ang suspek na huwag magpadala ng mga X-rated na litrato mula sa cellphone dahil ito ay masama.