RFID

ETC, RFID sticker mandatory na sa expressways sa Marso 15

Jun Nardo Feb 15, 2025
29 Views

MULING ipatutupad ang cashless o contactless toll collection sa mga expressways simula Marso 15, 2025 matapos ang dry-run ng contactless transactions program, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).

Ayon sa TRB, dapat Electronic Toll Collection (ETC) o Radio Frequency Identification (RFID)-equipped ang mga sasakyan na dumadaan sa expressway.

Ang pagpapatupad ng cashless/contactless toll payments magpapahusay sa paggamit ng lahat ng toll plaza sa pamamagitan ng ETC System.

Para sa mga sasakyang wala pang valid ETC device o RFID sticker, papayagan silang dumaan sa toll lane/plaza at agarang lalagyan ng nasabing device o sticker.

Bagaman pahihintulutan ang mga sasakyang walang valid RFID na makadaan sa toll plaza, bibigyan ito ng Temporary Operator’s Permit o Show Cause Order dahil sa paglabag sa patakarang “No Valid ETC Device, No Entry.”

“Maglalabas ang Land Transportation Office (LTO), sa pamamagitan ng mga deputized personnel nito, ng Temporary Operator’s Permit o Show Cause Order laban sa mga lumalabag sa ‘No Valid ETC Device, No Entry’ Policy na nakasaad sa Joint Memorandum Circular No. 2024-001 ng DOTr/LTO/TRB, at ipapataw ang kaukulang parusa,” ayon sa TRB.

Ipinaliwanag din ng TRB na “ang mga dedicated toll lanes para sa mga nagbabayad gamit ang cash kadalasang nagkakaroon ng mahabang pila ng mga sasakyan, na nagiging sanhi ng pagsikip ng daloy ng trapiko patungo sa ETC designated lanes.”

Hinihikayat ng TRB ang mga motorista na magpakabit ng RFID sa kanilang mga sasakyan dahil may mga installation at loading station na matatagpuan sa loob at labas ng expressway.