Undersecretary Gloria Jumamil Mercado Ex-DepEd Undersecretary Gloria Jumamil Mercado

Ex-DepEd usec isinumite 9 sobre ng P450K na ‘pinadala’ ni VP Sara

119 Views

ISINUMITE ni retired Department of Education (DepEd) Undersecretary Gloria Jumamil Mercado sa House Committee on Good Governance and Public Accountability ang siyam na sobre na pinaglagyan ng perang ipinadala umano sa kanya ni Vice President Sara Duterte.

Ipinakita ni Mercado ang mga miyembro ng komite ang sobre na bawat isa ay may nakasulat na “HoPE”, na aniya’y naglalaman noon ng tig-P50,000, o kabuuang P450,000. Ang HoPE ay nangangahulugang head of procurement na dating puwesto ni Mercado.

Sinabi ni Mercado na nakatanggap ito ng sobre buwan-buwan mula ng maging HoPE. Siya ay tumagal sa puwesto ng siyam na buwan bago sinabihan na mag-resign.

Ibinigay ni Mercado ang sobre sa komite matapos ang press conference ni Duterte kung saan sinabi nito na siya ay isang “disgruntled former employee” na sinibak umano dahil sa paghingi ng P16 milyong donasyon mula sa pribadong sektor.

“Kasi ang sakit naman noon. Ordinaryo lang akong trabahante, tapos inaano ka ng Vice President. It’s very painful,” ani Mercado sa pagtatanong ni House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.

Sinabi ni Mercado na hindi pera kundi kagamitan na nagkakahalaga ng P16 milyon ang hininging donasyon ng isa sa mga ahensya ng DepEd para sa isang proyekto ng ahensya.

“There was no money involved there. These are equipment donations, not cash,” paglilinaw nito.

Kuwento ni Mercado hindi nito binuksan ang mga sobre habang siya ay nasa DepEd at inipon ito sa kanyang opisina. Natuklasan lamang umano nito kung ano at magkano ang laman ng buksan niya ang sobre matapos ang kanyang pagreretiro.

Ang nasabing salapi ayon kay Mercado ay idinonate niya sa non-government organization (NGO). Ibinigay din nito ang resibo ng donasyon sa komite bilang ebidensya.

Sa kanyang testimonya, inihayag ni Mercado na buwan-buwan siyang nakatanggap ng sobre mula Pebrero hanggang Setyembre 2023 mula kay Assistant Secretary Sunshine Fajarda, na umano’y mula kay VP Duterte.

Si Mercado, ay nagbitiw sa tungkulin noong Oktubre 2023, dahil sa pressure na gumawa ng mga desisyon na labag sa mga itinatag na proseso at procurement regulation.

Ang pagsusumite ng mga sobre ay bahagi ng pagsisikap ni Mercado na linisin ang kanyang pangalan sa gitna ng mga akusasyon na ginawa ng Bise Presidente.