VMLP San Antonio vice mayor Arvin Salonga na nahalal bilang bagong pangulo ng Nueva Ecija vice mayors’ league of the Philippines. Kuha ni Steve Gosuico

Ex-mayor nahalal na lider ng VMLP

Steve A. Gosuico Aug 2, 2025
546 Views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Nahalal si San Antonio Vice Mayor Arvin Salonga na bagong pangulo ng provincial chapter ng Vice Mayor’s League of the Philippines (VMLP).

Si Salonga ang kauna-unahang punong ehekutibo na naluklok na pangulo ng LMP-NE na pagkatapos ng termino ay naging pangulo naman ng VMLP-NE chapter para sa taong 2025-2028.
Pinasalamatan ni Salonga ang mga kapwa bise alkalde sa kanilang pagtitiwala at suporta.

Iginiit niya ang kanyang paninindigan sa pagpapatuloy ng mga kasalukuyang programa ng liga at ang pagpapalakas ng collaborative leadership upang mapaglingkuran ang mga Novo Ecijano.

Bilang dating pangulo ng LMP-NE mula 2022-2025, nakalikom ang liga sa ilalim ng kanyang pamumuno ng may P2-milyong pondo.

Iminungkahi ni Salonga na gamitin ang pondo upang makapagpatayo ng sariling gusali ang liga katuwang si Gov. Aurelio M. Umali.

Pinangasiwaan ng Department of Interior and Local Government ang botohan noong Miyerkules sa Governor’s Hall, Old Capitol Building, Cabanatuan City.

Bukod kay Salonga, ang mga bagong halal na opisyal ng VMLP ay sina: Vice President Nestor Alvarez (Science City of Muñoz); Secretary-General Edwin Buendia (Zaragoza); Treasurer Victor Sabino (Gabaldon); Auditor Nerito Santos Jr. (Talavera) at PRO John Carlo Dizon (Guimba);

Mga kasapi ng Board of Directors: District I: Dra. Florida P. Esteban (Cuyapo) at Victor M. Badar (Nampicuan); District II: Ronnie Roy G. Pascual (Llanera) at Alex Rommel P. Romano (Lupao); District III: Richard D. Dimacali (Santa Rosa) at Christian P. Binuya (Bongabon); District IV: Crisanto E. Matias (Jaen) at Robinson D.C. Francisco (San Isidro).