Villanueva2 Dating PDEA chief Wilkins Villanueva

Ex-PDEA chief nagsinungaling, na contempt sa House quad comm probe

26 Views

DAHIL sa pag-iwas na sagutin ang mga katanungan sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes, na-contempt ang dating pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Wilkins Villanueva.

Ito ay kaugnay ng mga alegasyon ng extrajudicial killings (EJK) na konektado sa marahas na war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Inaprubahan ng komite, na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang isang mosyon na nagsasabing nilabag ni Villanueva ang Section 11(c) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.

Nag-mosyon si Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano matapos ang pagtanggi ni Villanueva sa paulit-ulit na tanong ukol sa kanyang pagkakasangkot sa warrantless arrest ni Jed Pilapil Sy, asawa ng hinihinalang drug lord na si Allan Sy, matapos ang raid noong 2004 sa isang shabu laboratory sa Dumoy, Davao City.

Si Michael Yang, ang dating presidential economic adviser ni Duterte, ay nasangkot sa raid sa Dumoy drug lab, kung saan nakuha ang higit sa 100 kilo ng high-grade shabu na nagkakahalaga ng P300 milyon—na itinuturing noon bilang pinakamalaking operasyon laban sa droga.

Gayunman, si Villanueva, na siya noong PDEA regional director, ay paulit-ulit na itinanggi ang pagkakasangkot ni Yang, at sinabing walang ebidensya na nag-uugnay dito sa drug lab noong mga panahong iyon. Si Villanueva ay nagsilbing PDEA director general sa panahon ng Duterte administration.

“You are lying! You are not respecting this committee!” ayon kay Paduano sa ginanap na pagdinig.

Itinanggi ni Villanueva ang akusasyon, na nagsabing hindi niya matandaan ang pag-aresto kay Sy ngunit naaalala niyang tinanong siya sa opisina ng PDEA matapos ang raid sa Dumoy.

“Hindi ko po maalala na kinausap ko siya. Nasa opisina po siya ng PDEA,” sinabi ni Villanueva, na pinanindigan ang kanyang posisyon.

Dahil hindi kumbinsido sa sagot ni Villanueva, muling tinanong ni Paduano kung nagsisinungaling siya.

Muling itinanggi ni Villanueva ang akusasyon, na naging dahilan ng paghahain ni Paduano ng mosyon para sa kanyang contempt citation.

Bilang parusa, inutos na ikulong si Villanueva sa pasilidad ng Kamara hanggang sa matapos ang mga pagdinig.

Gayunpaman, binago ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop ang mosyon, na nagtakda na ang contempt at detention order ay magiging epektibo lamang kapag nagpatuloy ang imbestigasyon ng quad comm sa Enero 13 ng susunod na taon.

Inaprubahan ng mega-panel ang inamyendahang mosyon at binigyang-diin na ang pagpapaliban ay ginawa bilang kabutihang loob “sa diwa ng Pasko.”