Leni

Ex-spox ni VP Leni pinagbibitiw din si VP Sara sa PBBM Cabinet

48 Views

NANAWAGAN din ang dating spokesperson ni dating Vice President Leni Robredo kay Vice President Sara Duterte na magbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) kung hindi nito kaya ang trabaho.

Pinuna rin ni dating Akbayan Partylist Rep. Barry Guttierez, dating spokesman ni Robredo, ang pakiki-alam ni VP Duterte sa isyu ng muling pagpasok ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) at ang pagtuligsa nito sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling simulan ang peace negotiation sa mga rebeldeng komunista.

“It’s quite evident that Vice President Sara Duterte has been actively involved in matters that are beyond her responsibilities as the Secretary of Education,” ani Gutierrez.

“Ang kanyang pakikisawsaw sa mga isyu na labas na sa kanyang responsibilidad katulad ng pag-allow sa International Criminal Court na mag-imbestiga, pagsasagawa ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng communist rebels, pakikialam sa foreign relation sa pamamagitan ng pangunguna sa pagbati sa anibersaryo ng China at mga pagsasagawa ng ribbon cutting sa mga pribadong kumpanya ay sadyang nakakabahala,” dagdag pa nito.

Kung ang plano umano ni VP Duterte ay tutulan ang polisiya ni Pangulong Marcos ay mas makabubuti kung aalis na ito sa Gabinete.

“Oo, pangkaraniwan na para sa mga politiko na manghimasok at mangialam sa iba’t-ibang isyu at aktibidad, but the extent of Vice President Duterte’s involvement in issues outside her primary function raises questions about her focus and priorities as Secretary of Education,” sabi ni Gutierrez.

Ipinunto ni Gutierrez na ang sistema ng edukasyon sa bansa ay nasa krisis at ito ang dapat na pagtuunan ng pansin ni VP Duterte.

“Maraming problema ang kinakaharap ng sektor ng edukasyon ng ating bansa, mula sa kakulangan sa guro, imprastraktura at learning materials hanggang sa effectivity ng curriculum ng pampublikong paaralan,” wika pa ni Gutierrez.

“Base sa ulat ng World Bank nitong 2023, 9 out of 10 sa mga Pilipinong mag-aaral sa edad ng sampung taong gulang ay kulang ang kakayahan sa pagbabasa. Patunay ito na nasa isang matinding education crisis ang ating bansa,” dagdag pa nito.

“If Vice President Duterte finds the demands of the Secretary of Education overwhelming or incompatible with her interests and skills, it might be prudent for her to consider stepping down from this role,” sabi pa niya.

Nauna rito, sinabi ni De Lima na dapat magbitiw na si VP Duterte bilang kalihim ng DepEd kung tututulan din lang naman nito ang mga polisiya ang administrasyong Marcos at makiki-alam sa mga bagay na walang kinalaman ang DepEd.

“Akin to her preemptive position, re: ICC, the problem with VP Sara’s statement against the peace talks is this – She is still (a) member of Cabinet. Peace talks is not within the core competence of her portfolio as DepEd Sec,” dagdag pa ng dating senador.