Calendar
Ex-traffic enforcer nanakot, nangikil, tiklo
ARESTADO ang dating traffic enforcer ng takutin at subukang kikilan ang construction firm noong Miyerkules sa Parañaque City.
Sa ulat ni Parañaque police chief P/Col. Nicolas Piñon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor, pumunta noong Setyembre 1 sa Pacific Concrete Products Inc. sa East Service Road, Brgy. San Martin De Porres ang suspek na si alyas Alex at nagpakilalang traffic enforcer ng Taguig City para humingi ng pera at regalo para sa kanyang birthday kapalit ng hindi panghuhuli sa mga trak ng kompanya.
Nang tanggihan ng transport supervisor ang hirit ni alyas Alex, lagi na umano itong umiikot sa paligid ng kompanya hanggang muling inulit ang panghihingi noong Miyerkules kaya nagsumbong na ang supervisor sa mga pulis.
Nang matunugan ng suspek ang paparating na mga pulis, sumakay ito sa motorsiklo para tumakas pero napigilan kaya nagtangka pang manlaban at sinigawan pa ang pulis na nagpoposas sa kanya.
Pinuri ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/BGen. Christopher Abrahano ang pagtugon ng mga pulis sa reklamo.
Nanawagan sa publiko ang NCRPO chief na huwag mangiming magsumbong sa pulisya kung may nagtatangkang gumawa ng masama sa kanila.
Sinampahan ng mga kasong attempted robbery-extortion, usurpation of authority at resistance and disobedience to a person in authority ng mga pulis ang suspek sa Paranaque City Prosecutor’s Office.
