Calendar
Ex-TransCo chief may babala vs banta sa seguridad dahil sa NGCP
NAGBABALA si dating National Transmission Corporation (TransCo) president Melvin Matibag ukol sa mga posibleng banta sa pambansang seguridad dulot ng operasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), lalo na’t gumagamit ito ng teknolohiyang Chinese at limitado ang oversight ng gobyerno.
Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises, inilantad ni Matibag ang kahinaan ng sistema ng transmission grid ng bansa na maaaring samantalahin ng mga dayuhang interes.
“I just like to remind everyone, pinag-uusapan natin dito presyo… but more than that, this is something that should be a concern of everyone and that is the national security and national interest of our country,” diin ni Matibag.
Inilarawan niya ang implikasyon ng paggamit ng NGCP ng SCADA (Supervisory Control and Data Acquisition) system na ibinigay ng NARI Group Corporation, isang Chinese IT infrastructure provider.
“Simple lang po ang tanong ko kay Eng. Clark: Ano ba ‘yung NARI? Proprietary ba ‘yan? Alam niyo ba ang source code?” tanong niya, habang kinukuwestiyon ang seguridad ng critical infrastructure ng NGCP.
Pinuna rin niya ang insidente kung saan dalawang beses nang na-access remotely ang SCADA system. “There was already an incident na nagkaproblema ang power grid natin. It was resolved remotely… So ano ibig sabihin nito? Remotely pwede gawin,” aniya.
Dagdag pa rito, sinabi ni Matibag na ang SCADA project sa Pilipinas ay unang overseas deployment ng NARI, na dati nitong ipinagmalaki sa website bago tinanggal matapos itong talakayin sa Senado.
“Nakita namin, kini-claim talaga nila na first overseas nila na paggamit ng equipment at ng SCADA ang Pilipinas,” ani Matibag.
Binatikos din niya ang kakulangan ng gobyerno ng oversight sa NGCP, sa kabila ng pagmamay-ari nito ng transmission assets sa pamamagitan ng TransCo. “Ngayon lamang po ako nakakita na kami ang may-ari ng bahay at gusto mong tingnan kung anong ginagawa sa bahay mo ay hindi kayo pwede bumasok,” ani Matibag.
Tinukoy din niya ang presensya ng mga dayuhan sa key positions ng NGCP, kabilang ang Chairman of the Board na si Zhu Guangchao, isang Chinese national, at iba pang opisyal tulad nina Liu Zhaoquiang (Assistant Chief Technical Officer), Liu Xinhua (Chairman of the Board Audit Committee), at Wen Bo (Chief Technical Officer).
Bagama’t 60% ng NGCP ay pag-aari ng mga Filipino tycoon na sina Henry Sy Jr. at Robert Coyiuto Jr., habang 40% ay hawak ng State Grid Corporation of China, binigyang-diin ng mga mambabatas na ang pagkakaroon ng mga dayuhan sa mga strategic role ay maaaring sumalungat sa layunin ng batas at magdulot ng panganib sa seguridad ng bansa.
Ayon kay Matibag, ang kawalan ng transparency at kontrol ng gobyerno sa mga kritikal na pasilidad ay hindi lamang operational na problema kundi isang seryosong banta sa pambansang seguridad.