Calendar
Exemption ng senior citizens sa color coding hinirit ni Valeriano
HINIHILING ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano sa pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na mabigyan ng “exemption” sa color coding o number scheme ang mga Senior Citizens.
Ayon kay Valeriano, ipinahayag ng Chairperson ng MMDA Persons with Disability (PWDs) and Senior Citizens Focal Point Committee na si Atty. Joseph Salud na sa kasalukuyan ay may exemption para sa mga PWDs. Subalit maaari naman magkaroon ng application para sa mga Senior Citizens.
Iginiit ni Valeriano na baka puwedeng mabigyan ng konsiderasyon ng MMDA ang mga senior citizens sa pamamagitan ng pagkakabilang ng kanilang sektor sa mga mapagkakalooban ng exemption. Matapos ikatuwiran ng mambabatas na iilan lamang sila sa sektor ng mga matatanda.
Ipinaliwanag ni Valeriano na sakaling katigan ng MMDA ang exemption para sa mga senior citizens. Inaasahang sasailalim parin o “subject to restrictions” at “eligibility acquisition” ang mga matatanda.
Sinuportahan din ng kongresista ang naging pahayag ni Senior Citizens Party List Cong. Milagros Magsaysay na kailangan ng mga Senior Citizens ang exemption sa color coding dahil kadalasan ay tinatakbo sila sa Ospital sa panahon na may emergency o kaya naman ay para magpa-checkup.