Pastor Apollo Quiboloy

Extradition request ng US kay Quiboloy hinihintay ng DOJ

200 Views

INAANTABAYANAN ng Department of Justice (DoJ) ang pormal na request ng Estados Unidos para sa extradition ng televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa kasong sex trafficking at iba pang federal offenses doon.

“None yet,” sagot ni DOJ spokesperson Mico Clavano ng tanungin kung may natanggap na request ang ahensya kaugnay ng posibleng paghiling ng gobyerno ng Estados Unidos na i-extradite si Quiboloy.

Noong 2021, si Quiboloy at ilang kasama nito sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay ipinagharap ng grand jury ng kasong sex trafficking by force, fraud and coercion; sex trafficking of children; marriage fraud; fraud and misuse of visas; bulk cash smuggling; promotional money laundering; concealment of money laundering; at international promotional money laundering.

Matapos ipagharap ng kaso ay nagpalabas ang U.S. Department of Treasury ng utos at hinarang ang lahat ng transaksyon ni Quiboloy, KOJC, at mga ari-arian nito sa teritoryo ng Estados Unidos.

Sinabi noon ni DoJ Secretary Jesus Crispin Remulla na susunod ang Pilipinas sa termino ng extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos kaugnay ng kaso ni Quiboloy.

“In our case, we have a treaty with them, we have an extradition treaty, and we have to abide by the terms and conditions of our agreements with our friends from abroad,” sabi ni Remulla.

Nagkaroon ng extradition treaty ang Pilipinas at US noong Nobyembre 13, 1994 na naging epektibo noong Nobyembre 22, 1996.

Sa ilalim ng kasunduan maaaring hilingin ng Estados Unidos sa Pilipinas na ilipat sa kanilang kustodiya ang isang Pilipino upang harapin ang kaso nito na ang parusa ay mahigit isang taong pagkakakulong.

Nauna ng ibinasura ni Quiboloy, spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang paratang at sinabi na ito ay gawa-gawa lamang at itinuring itong religious at political persecution.

Hinamon din ni Quiboloy ang gobyerno ng Amerika na ilabas ang mga ebidensya laban sa kanya at sinabi na siya ay “bulletproof.”

Nauna ng hiniling ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa DOJ na magpalabas ng immigration lookout bulletin order laban kay Quiboloy upang hindi ito makaalis ng bansa.

Magsasagawa ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na pinamumunuan ni Hontiveros ng pagdinig kaugnay ng mga alegasyon laban kay Quiboloy sa Enero 23.

Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution (SR) No. 884 upang paimbestigahan ang mga alegasyon laban kay Quiboloy gaya ng human trafficking, rape, sexual at physical abuse.

Nagpahayag ng kahandaan ang mga dating miyembro ng KOJC na makipagtulungan at tumestigo sa isasagawang pagdinig ng Senado.

Nauna ng tinuligsa ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio si Hontiveros dahil isinasalang umano nito sa trial by publicity ang mga alegasyon sa halip na maghain ng reklamo upang madinig ito ng korte.

Sinabi ni Topacio na hindi ang Senado ang dapat na magsagawa ng imbestigasyon at dapat umanong magkaroon ng patas na legal na proseso.