Guo1

Faeldon Ikinabit sa goat farm sa Bamban

77 Views

IBINUNYAG mismo ni Alice Guo, na kilala rin bilang Guo Hua Ping, ang dating Bureau of Customs Chief na si Nicanor Faeldon ay nagpapatakbo ng isang goat farm sa Bamban, Tarlac kung saan naroroon ang kontrobersiyal na Pogo.

Lumabas ito matapos isiwalat ni Jessica Francisco, alyas Mary Ann Maslog, sa kanyang isinulat na nabanggit ang pangalan ni Faeldon ni Guo sa isang paunang briefing ng Intelligence ng Philippine National Police (PNP) matapos ang pagkakaaresto kay Guo sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ayon kay Alice Guo, “Talagang may goat farm si Nick Faeldon sa Bamban. Pero hindi totoo na may invitation ako sa Davao. At duon sa picture namin with former President Duterte, sa picture taking na yun ay hindi na siya presidente noon.”

Sa kanyang pagtestigo sa pagdinig ng Senado na pinangunahan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, na pinamumunuan ni Senadora Risa Hontiveros, pinilit si Maslog na ibunyag ang mga pangalan na umano’y nabanggit ni Guo sa kanilang pangalawang pagkikita sa detention cell ni Guo.

Si Nicanor Faeldon, na isa rin dating marine officer, ay kilalang malapit kay dating Pangulong Duterte.

Si Maslog, ay sinasabing nasangkot sa 1998 textbook scam at pineke ang sariling kamatayan noong 2019 upang makaiwas sa pag-aresto. Muling lumitaw sa imbestigasyon si Maslog sa imbestigasyon ng Senado ukol sa kontrobersiya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ipinahayag niya na inutusan siya ng PNP Intelligence Group na tulungan silang hikayatin si Alice Guo, dating alkalde ng Bamban, Tarlac, na sumuko na sa pamahalaan kung saan ito tumakas pa ibang bansa upang makaiwas sa mga legal na kaso laban sa kanya.

Sa pagdinig, kinuwestiyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang kredibilidad ni Maslog, at inakusahan ito na ginagamit upang idawit siya, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, si Senador Christopher “Bong” Go, at si dating PNP Criminal Investigation and Detection Group Chief Lt. Gen. Gerald Caramat sa mga ilegal na aktibidad ng POGO.

Ipinahayag ni Sen. Dela Rosa na sinusubukan ni Maslog na kumbinsihin si Guo na lumagda sa isang affidavit na nag-uugnay sa kanila sa mga operasyong ito. Mariing itinanggi ni Maslog ang mga paratang.

Si Brig. Gen. Romeo Macapaz, hepe ng PNP Intelligence Group, ay nagsabi sa pamamagitan ng video call na hindi nila kinontak si alias Jessica aka Mary Ann Maslog.

Sinalungat ni Macapaz ang mga pahayag ni Maslog. Sinabi niya na si Maslog ang lumapit sa kanya at nag-alok na maging tagapamagitan para sa pagsuko ni Guo, na kabaligtaran ng orihinal na sinabi ni Maslog.

“Nagsabi po siya na kakilala niya ang abogado ni Alice Guo at gusto na nga raw nitong magsuko. Dahil sa kagustuhan namin na matunton si Alice Guo ay nakipagtulungan kami sa kanya,” pag-amin ni Macapaz.

Binanggit din ni Guo sa pagdinig na si Faeldon ay nagmamay-ari ng isang goat farm sa Bamban, Tarlac, kung saan siya nakatira kasama ang kanyang asawa. Bagama’t ito’y isang personal na detalye na lumabas sa imbestigasyon, walang malinaw na koneksyon sa pagitan ni Faeldon at Guo ukol sa kasalukuyang imbestigasyon o anumang alegasyon.

Ang Senate committee, na pinamumunuan ni Hontiveros, ay nag-utos kay Maslog na magbigay ng karagdagang paliwanag ukol sa kanyang papel sa mas malawak na kontrobersiya ng pagkakahuli ni Guo.

Si Alias Jessica aka Mary Ann Maslog ay pinatawan ng contempt sa Senado dahil sa umano’y pagsisinungaling kahit under oath at sa pag-iwas sa mga tanong ng mga senador.

Pinahintulutan ng komite ang National Bureau of Investigation (NBI) na ipasailalim si Maslog sa kanilang kustodiya, na sinasabing humaharap siya sa iba’t ibang kaso sa hukuman at nakatakdang humarap sa Sandiganbayan para sa hiwalay na kaso na isinampa laban sa kanya.