Calendar

Fake news, marites peddlers pananagutin ng NPD
NAGLATAG ng mga hakbang ang Northern Police District (NPD) para labanan ang pagkalat ng fake news na nakakaapekto sa integridad ng halalan sa Mayo 12.
Ayon kay NPD District Acting Director P/Col. Josefino Ligan, alam nila ang mga magiging epekto ng fake news, kasama ang paglikha ng kaguluhan, makapag-udyok ng karahasan at kawalan ng tiwala sa proseso ng halalan.
Kabilang sa mga inilatag ng NPD ang pagbuo ng team na makikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) upang mapaigting ang pagmonitor sa mga social media at online news para matukoy ang pinanggagalingan ng fake news.
Pagsasagawa ng pampublikong kampanya upang mabuksan ang kaalaman ng publiko kung paano aalamin at maiiwasang mabiktima ng fake news, pakikipagtulungan sa Commission on Elections (Comelec), Department of Information and Communications Technology (DICT), mga media organizations at civil society groups upang maibahagi ang makakalap na impormasyon.
Tiniyak ni Col. Ligan na hahabulin nila ang mga tao o grupong mapapatunayang nagpapakalat ng fake news sa pagnanais na guluhin ang proseso ng halalan.
Bubuo rin ang NPD ng “rapid response team” na magpapabilis sa paglutas at maglalantad ng insidente ng fake news.