Gutierrez1 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez

Fake news na China ang dating may-ari ng Palawan, kinalkal sa House tri-comm probe

18 Views

TINALAKAY sa pagdinig ng House tri committee ang mga ipinakalat na post ng mga vloggers at social media influencers na nagsasabi na ang Palawan ay dating pagmamay-ari at pinamamahalaan ng China.

Ayon kay 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez maraming tao ang naniniwala sa mga “lantaran at maling pahayag.”

Ayon sa kanya, ang mga post na nagpapalabas na hindi sakop ng Pilipinas ang Palawan ay sinadyang ginawa, at ginamit pa ng ilan gumagamit ang mga karakter sa wikang Chinese upang suportahan ito.

“Pag-aari daw ng China ang Palawan,” ayon sa kongresista, na ipinunto ang panganib ng pagkalat ng maling impormasyon.

Sinabi ni Commodore Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard na ngayon lang niya narinig ang ganitong kampanya mula sa China tungkol sa West Philippine Sea (WPS) at ang lumalalang agresyon nito sa karagatan, maging sa social media.

“This is a new kind of propaganda,” ayon kay Tarriela. “The national government will debunk this false claim.”

Ayon kay Tarriela, may WPS transparency group na nagmo-monitor sa mga social media platform.

Sinabi niya na ito ay bahagi ng lumalawak na tungkulin ng PCG sa paglaban sa disinformation, na patuloy na kumakalat sa iba’t ibang social media platform.

Tiniyak ni Peachy Paderna ang public policy manager ng TikTok, ang kaisa-isang social media platform na dumalo sa pagdinig na aaksyunan nila ang mga isyung ipinahayag ng Philippine Coast Guard.

“We do not allow misinformation that causes harm, including disinformation that could lead to individual or community harm,” saad nito, at sinabing nakikipag-ugnayan na ang Tiktok upang suriin ang mga flagged content at pagtiyak na tatanggalin ang mga mapanirang content.

Gayunpaman, pinuna ni Gutierrez ang sagot na ito bilang isang reaksyon lamang sa problema.

Ipinaliwanag niya na ang mga tinanggal na post ay madalas na nire-repost ng ibang user, dahilan upang maging viral ang disinformation.

Ayon kay Paderna, gumagamit ang TikTok ng proactive measures upang labanan ang nakapipinsalang nilalaman.

Sinabi niya na gumagamit sila ng machine technology upang agad na suriin ang mga video at may sistema silang nagtatanggal ng mapanlinlang na content.

“We rely on community reports to identify violations of our community guidelines and engage independent fact-checkers,” saad ni Paderna.

Ngunit giit ni Gutierrez, kahit tinatanggal ang mga lumalabag na post, patuloy pa rin itong muling ina-upload at lalo pang kumakalat ang maling impormasyon.

Sa panig ng TikTok sinabi ni Paderna Paderna na mula Hulyo hanggang Setyembre, may 4 milyong video na ang tinanggal na lumabag sa kanilang patakaran.

“Ninety-eight percent of these were taken down in less than an hour,” ayon pa kay Paderna.