Bongalon House Assistant Majority Leader Jil Bongalon

Fake news naghahakot ng takot

37 Views

BAGAMAN bumababa ang bilang ng krimen sa bansa, nagkakaroon naman umano ng pangamba ang publiko dahil sa mga maling impormasyon na ipinapakalat sa social media, ayon kay House Assistant Majority Leader Jil Bongalon ng Ako Bicol Party-list.

“Let’s be clear: crime is going down. The data is there,” ani Bongalon, habang tinutukoy ang opisyal na datos mula kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, na nagpapatunay ng pagbuti ng seguridad ng publiko sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Gayunman, ayon kay Bongalon, ang mga pagbabagong ito ay nasasapawan ng mga viral post sa social media, na madalas ay kulang sa konteksto o hindi totoo, at nagpapalaganap ng takot at pag-aalala ng publiko.

“Ang daming nagbabahagi ng videos o kuwento na walang buong konteksto. Nangyayari sa ibang bansa, ipapakalat na parang dito nangyari. Ito ang nagpapalaki sa takot ng mga tao, kahit hindi naman ito tugma sa totoong sitwasyon,” ayon kay Bongalon, miyembro ng Young Guns ng Kamara.

Ayon sa datos ng PNP, bumaba ng 26.76 porsiyento ang focus crimes—mula 4,817 na kaso noong Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2024, patungo sa 3,528 ng kaparehong panahon ngayong taon.

Kabilang sa mga focus crimes ang nakawan, theft, robbery, rape, murder, homicide, physical injury, at carnapping ng motorsiklo at sasakyan.

Ayon din sa tala, ang panggagahasa ay may pinakamalaking pagbaba na umabot ng hanggang higit sa 50 porsiyento.

Ipinakita rin ng year-on-year data ang 7.31 porsiyento na pagbaba sa focus crimes, mula 41,717 na kaso noong 2023 kumpara sa 38,667 noong 2024.

Sinegundahan ni Bongalon ang hiling ni Marbil, na nanawagan sa mga mamamahayag at online users na iulat ang krimen nang may patas na pagtingin at tamang nilalaman, at iwasan ang pagpapalala ng insidente na maaaring magdulot ng maling impresyon sa kabuuang sitwasyon.

Ayon kay Marbil, ang patuloy na pagbaba ng kriminalidad ay bunga ng mas mataas na presensya ng pulisya, mas advanced na mga kasangkapang pang-imbestigasyon, digital surveillance, at mas matibay na pakikipagtulungan ng mga komunidad—mga hakbang na naaayon sa pangitain ni Pangulong Marcos para sa isang mas maayos at ligtas na Pilipinas.

Gayunpaman, inamin ni Marbil na ang pagkalat ng mga krimen sa social media ay maaaring magbigay ng maling impresyon na lumalala ang kriminalidad.

Hinikayat niya ang publiko na gamitin ang social media platform nang responsable—bilang mga kasangkapan sa seguridad, hindi sa takot—at iulat ang mga kahina-hinalang aktibidad sa halip na ipakalat ang hindi beripikadong impormasyon.

Pinagtibay ni Bongalon ang panawagang ito, kasabay ng babala na ang fake news ay hindi lamang nakasisira sa tiwala ng publiko kundi pati sa morale ng mga pulis.

“Fake news is a crime in itself—it steals peace of mind and sows unnecessary fear,” ayon pa sa House leader.

“Ang epekto nito ay hindi lang takot kundi pagkawalang-tiwala sa mga institusyong araw-araw na nagtatrabaho para sa ating seguridad,” dagdag niya.

Nanawagan si Bongalon ng mas matibay na media literacy, lalo na sa mga kabataan, upang matulungan ang mga Pilipino na matukoy ang pinagkakatiwalaang impormasyon mula sa mga viral na disimpormasyon.

“Kapag mahina ang media literacy, mas madaling kumalat ang maling balita. We need to empower our citizens to verify first, share later,” aniya.

Habang patuloy na nagpapatupad ng mga hakbang ang pulisya laban sa krimen, hinimok ni Bongalon ang media na magbalita nang may tamang konteksto, wasto at balanse—hindi lamang para makatawag-pansin.

“As Gen. Marbil rightly pointed out, public safety is not just about statistics—it’s about how people feel. At kung gusto nating mapanatili ang tiwala at kapayapaan, kailangang sabay tayong kumilos laban sa takot at kasinungalingan,” ani Bongalon.