Margarita “Atty. Migs” Nograles PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles

Fake news naglipana na naman, publiko pinag-iingat ng lider ng Kamara

55 Views

NAGBABALA ang isang mambabatas na miyembro ng Young Guns bloc ng Kamara de Representantes sa publiko na mag-ingat at maging mapanuri sa pagdagsa ng mga maling impormasyon at mga pekeng balita sa mga social media.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles, dapat ay maging mapanuri ang publiko sa kanilang binabasang balita lalo at mayroong mga “internet influencers” na nagpapakalat nito katuwang ang mga troll farm.

Partikular aniyang target ngayon ng mga troll ang mga mambabatas na sumisilip sa kuwestyunableng paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte at ang mga miyembro ng quad comm ng Kamara na nag-iimbestiga sa iligal na operasyon ng mga Philippine offshore and gaming operator (POGO), extrajudicial killings (EJK) sa pagpapatupad ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at bentahan ng iligal na droga.

Aniya, kinukuha ang mga sinasabing “influencers” para ipakalat ang misinformation at disinformation habang ang mga troll naman ang nagkokomento at sasabihing naniniwala sila rito upang mapalaganap at umingay sa social media at paniwalaan din ng iba.

Diin ni Nograles na marami sa mga mambabatas, kasama siya at mga kapwa Young Guns na naging kritikal sa pagbusisi ng pondo ng naturang mga opisyal, ang inaatake ngayon ng mga troll gamit ang mga walang basehang alegasyon.

Ginagawa aniya ito para siraan at mawalan ng tiwala ang publiko sa mga opisyal na naghahangad na mapanagot kung sino ang may kasalanan.

“Matagal na akong biktima ng fake news at patuloy na binibiktima. Nakalulungkot na ang mga opisyal na nagtatanong at tumutulong sa ating bayan ay ginagawan ng kwento at sinisiraan. Lahat ng ito ay pawang fake news,” sabi ni Nograles.

Mahalaga aniya na matukoy ang katotohanan mula sa mga gawa-gawang kwento upang hindi malinlang ang publiko at masira ang kredibilidad ng mga opisyal na nagmamalasakit lang.

“Huwag po tayong basta maniniwala sa mga nakikita natin online. Dapat natin alamin ang katotohanan at suriin nang mabuti ang mga impormasyon na ating natatanggap,” sabi niya.

Ilang mambabatas na aniya na kritikal sa OVP at Department of Education (DepEd), na dating pinamumunuan ni VP Duterte, gayundin ang bahagi ng quad comm ang naging biktima na ng mga troll.

Kasama rito sina Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, Marikina Rep. Stella Quimbo at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante.

Bahagi aniya ito ng mas malaking hakbang para ibaling ang atensyon sa totoong isyu.

Kapwa iniimbestigahan ngayon ng quad comm at House committee on good government and public accountability ang mga anomalya sa mga POGO, EJK, illegal drugs, at OVP at DepEd.

Giit ni Nograles na dapat humarap at sagutin ng mga sangkot ang isyu sa tamang forum at hindi gamitin ang social media.

“If there are questions about irregularities and mismanagement of public funds, they should be answered in the proper forum, not on social media. We should not fall prey to propaganda and false information,” giit niya.

Hinimok din niya ang publiko na maging responsable sa mga tinatanggap na impormasyon lalo na ang pagkalat ng fake news ay nangyayari kapag ibinabahagi ang mga unverified na content.

“As citizens, it is our duty to be careful in sharing information. Just one click can spread falsehoods that will cause confusion,” sabi niya.

Nangako naman ang mambabatas na lalabanan ang misinformation at dapat ay maging responsable din aniya ang mga social media platform sa paglaban sa fake news.

“Patuloy tayong makikipaglaban para sa katotohanan, at nananawagan din tayo sa mga platform na maging aktibo sa pagtigil ng fake news,” sabi niya.

Paalala pa niya na hindi lang nito sinisira ang tiwala ng publiko ngunit pinapahina rin ang institusyong pangdemokratiko ng bansa.

Panawagan din niya sa lahat ng sektor na magtulungan para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon.

“The spread of fake news undermines our democracy. We must unite to fight it and protect our institutions,” saad pa ng lady solon.