Calendar

Fake news pinagwatak-watak ang mga Pilipino — PCO chief
NABABAHALA si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz sa lumalalang pagkakahati-hati ng mga Pilipino dahil sa pagkalat ng online disinformation, misinformation at fake news.
Ito ang sinabi ni Ruiz sa pagharap noong Biyernes sa ikatlong pagdinig ng House tri-committee kaugnay sa mga malisyoso at fake online content.
“What is happening to us right now is we are being polarized, being divided online. Filipinos are being pitted against Filipinos,” pahayag niya.
Ayon kay Ruiz, ang pagkakawatak-watak na nararanasan sa bansa ay hindi nalalayo sa kaguluhang nangyayari sa Estados Unidos.
Nagpapasalamat naman ang kalihim sa hakbang ng tri-comm sa pag-iimbestiga sa fake news at tiniyak ang pakikipagtulungan ng PCO, Department of Justice (DOJ) at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang labanan at sugpuin ito.
Ayon sa kanya, ang pagsugpo sa mapanlinlang na nilalaman sa internet ay isang mahalagang laban na dapat harapin ng buong bansa.
“Lies, repeated a thousand times, becomes the truth. We have to fight lies with truth. The voice of truth should be louder than lies,” ayon kay Ruiz.
Nagbabala ang pinuno ng PCO sa panganib ng pagkakawatak-watak ng mamamayan na dulot ng online disinformation at fake news.
Binalaan rin niya ang publiko tungkol sa mga panganib ng deepfakes.
Sinabi niya na nakatanggap ang PCO ng mga reklamo mula sa ilang overseas Filipino workers na nabiktima ng mga scam gamit ang deepfake technology at pekeng video ng mga kilalang personalidad.
Hinikayat din ng pinuno ng PCO ang pagpapatupad ng regulasyon hindi lamang sa mga online media practitioners kundi maging sa mga social media platform tulad ng TikTok, Facebook at YouTube.
Gayunpaman, ayon kay Ruiz, isang malaking hamon na hindi nakabase sa Pilipinas ang mga tinukoy na social media platforms.