Calendar
FDCP filmfest, alternatibo sa MMFF — Sen. Bong
Abala na sa pag-iikot ang reelectionist senator na si Bong Revilla, pero hindi pa rin siya nakalimot na mangumusta sa entertainment media na matagal na niyang kasama mula noong baguhan pa lamang siya sa industriya.
Dahil bihirang makapanayam ng movie press si Sen. Bong, sinamantala ng mga itong tanungin ang lahat ng isyung mainit na pinag-uusapan ngayon sa showbiz.
Natanong ang senador tungkol sa patuloy na paghina ng lokal na pelikula sa takilya.
“Kailangan talaga maganda ang pelikula para humatak ng manonood at hindi aantayin na lang sa streaming o online,” saad niya.
Sabi pa ng aktor-politiko, dapat mag-adjust ang industriya at pag-aralan kung paano mapapanatili ang viability ng pelikula, tulad ng pagbibigay ng incentives sa mga producer, lalo na sa maliliit na kumpanyang hirap makapasok sa sinehan.
May nagtanong kung nakakasakal ba talaga ang Eddie Garcia Law dahil tila nagpapahirap ito sa producers sa limitadong oras ng taping at shooting.
Sagot ng senador, “Naniniwala ako na it is for the industry as a whole at hindi lang sa mga manggagawa.”
Napatunayan daw niya na posible ang compliance nang hindi nasasakripisyo ang kalidad ng proyekto.
Tungkol naman sa MTRCB na gustong palawakin ang mandate to include online and streaming platforms, komento ni Sen. Bong, “Hindi kasi tama na ‘yung mga online at streaming ay kung ano-ano na lang ang puwedeng ipalabas kahit hindi ito tumatalima sa kagandahang-asal, values at kultura ng bansa.”
Samantala, dahil naging malaking kontrobersya ang nakaraang Metro Manila Film Festival 2024 sa balitang may pinaboran ang mga hurado, natanong din ang magiting na senador kung dapat na ba itong alisin sa MMDA at ipahawak sa mga taga-industriya.
Bukas umano si Sen. Bong sa ideya.
Aniya, “Puwede namang i-privatize na ‘yang MMFF para ang industriya na ang magdaos nito. In fact, sa tingin ko, wala namang hadlang na gumawa ng film festival ang industriya. Pero ‘pag ganyan, no government funds can be used for the purpose.”
Pinag-aaralan din umano niya kung maaaring hikayatin ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) na magtayo ng sariling film festival bilang alternatibo sa MMFF.
Bilang panghuli, natanong din ang aktor/politiko sa mga plano niya pagkatapos ng eleksyon.
Aniya, public service muna ang priority niya, pero kung magkakaroon ng ekstrang oras at pagkakataon, gusto niyang tapusin ang naudlot niyang pelikula at isulong ang Season 4 ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.”
“Let’s cross the bridge when we get there,” sey pa ni Sen. Bong.
ENDORSERS NG ONLINE GAMES IPINAGTANGGOL
Ipinagtanggol ng TV host/comedian na si Betong Sumaya ang mga kapwa artistang sumusuporta sa entertainment online games.
Hindi naman daw masamang mag-endorso ang mga artista o kilalang personalidad tulad nina Piolo Pascual, Maine Mendoza, Rein Escano at latest nga ay si Vic Sotto para sa Playtime.
Sabi ni Betong, as long as responsible player ang mga ito, hindi ito makakasama sa kani-kanilang followers.
“Maging responsable lang sa paglalaro. Hindi naman porke nandito kami ay para i-encourage sila maglaro,” banggit ni Betong sa nakaraang launch ng Ultimate 100 Cars Giveaway promo ng Playtime.
Kasama si Betong sa celebrity guests ng launch.
“We’re helping them to promote iyong kanilang epic news na 100 brand new cars basta siyempre with four easy steps lang na napakadaling gawin.
“So sana matulungan natin sila na umabot ng 50 million. Kasi kapag nag-50 million likes and followers, eh, 100 brand new cars ang ipamimigay nila,” sambit pa.
Aminadong naglalaro ng online games si Betong bilang “pampatanggal ng stress. Kasi siyempre kapag ganito, maging responsible ka. Mahirap din siyempre na ma-hook ka nang ma-hook. At siyempre kailangan balanced.” REGGEE BONOAN