Calendar
FEELING ENTITLED
VP Sara tumangging manumpa na magsasabi ng totoo
DUMALO si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability na nag-iimbestiga sa paggamit ng pondo nito subalit siya ay tumangging manumpa na magsasabi ng totoo.
Ang pagtanggi ni Duterte ay taliwas sa mga nangyayari sa mga congressional inquiry na nanunumpa ang mga inimbitahan na magsasabi ng totoo, gaya ng ginawa nina dating Pangulong Fidel Ramos at Benigno “Noynoy” Aquino III nang sila ay humarap sa imbestigasyon.
Sa pagsisimula ng pagdinig, inatasan ng chairman ng komite na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang committee secretary na panumpain na magsasabi ng totoo ang mga inimbita mula sa Office of the Vice President (OVP), Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA) kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon.
Ang panunumpa ay ginagawa upang matiyak na magsasabi ng totoo ang mga inimbitahan sa pagdinig at upang maaaring maharap sa kaso ang mga ito kung magsisinungaling.
Ang panunumpaan ay: “Do you solemnly swear to tell the truth, the whole truth and nothing but the truth (in this inquiry)? So help you, God.”
Bago manumpa ang mga panauhin ng komite, nagtanong si Duterte kay Chua kung siya, bilang isang resource person, ay kinakailangan ding manumpa.
Katwiran ni Duterte, batay sa imbitasyon siya ay isang resource person at ang nakalagay sa rules ng Kamara ang mga nanunumpa ay ang mga witness o testigo.
Ipinaliwanag ni Chua na ang mga inimbitahan, saksi man o resource person, ay kapwa nanunumpa na magsasabi ng katotohanan.
Sinuportahan naman ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Arroyo, na kilalang kaalyado ng mga Duterte, ang katwiran ng pangalawang pangulo.
Ayon sa dating pangulo, sa ilalim ng desisyon ng Korte Suprema at precedent ng Senado, ang saksi ay binibigyan ng higit na proteksyon kaysa sa resource person dahil ang saksi ay maaaring maging akusado.
Sinabi naman ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores na sa kasalukuyan ay walang sinoman sa mga inimbitahan sa pagdinig ang maaaring ituring na akusado.
Nagpasya naman si Chua na “noted” ang pahayag ng dating pangulo.
Hiniling din ni Chua sa bise presidente na magbigay ng kaniyang opening statement kung saan nito sinabi na ang imbestigasyon ay isang pag-atake sa kanya at mayroong kinalaman sa inihahandang impeachment laban sa kanya.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, hiniling ni VP Duterte kay Chua na tapusin na ang pagdinig ukol sa privilege speech ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano noong Setyembre 3, na tumutukoy sa umano’y kwestyonableng mga gastusin ng OVP sa mga socio-economic programs nito sa Metro Manila.
Sinabi naman ni Chua na hindi niya maaaring agad na tapusin ang pagdinig dahil nagpasya na ang komite na kilalanin at bigyan ng hurisdiksyon ang talumpati ni Valeriano.
Sa isang bahagi ng pagdinig, humiling ang pangalawang pangulo ng isang minutong recess, kung saan nakipagusap siya kay Arroyo.
Nakipagkamay rin ang bise presidente kay Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta bago bumalik sa kanyang upuan.