Calendar

Fernandez: Dapat panagutin may ari ng lugar na may illegal POGO
DAPAT papanagutin sa parehong antas ang mga may-ari ng mga gusali, resort, condominium, at hotel kung saan isinasagawa ng mga Chinese nationals ang kanilang illegal Philippine offshore gaming operations (POGOs), ayon kay Laguna Rep. Dan Fernandez nitong Lunes.
“I think those who owns these properties knows that… kung ako halimbawa ako may-ari nung isang building, alam ko kung anong ipapasok na negosyo. There should be responsibility on their part as well di ba?” sabi ni Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Quadcom hearing.
Tinukoy ng mambabatas mula Laguna ang mga kamakailang raid ng PAOCC, PNP, at iba pang ahensya sa isang resort sa Alabat Island, Quezon; sa Yuchengco Tower sa Ayala Avenue, Makati; at sa isang hotel sa Pasay City.
Batay sa mga ulat, 42 Chinese nationals ang naaresto sa Alabat habang 188 ang nadakip sa raid sa Yuchengco Tower.
“Kasi kung hindi natin lalagyan ng penalty itong mga owners, most likely dadami talaga ‘yan. Kailangan maging accountable din ‘yung mga may-ari ng properties, dahil nga kaso nga hindi naman po ganun kadali na may darating na 188 na Chinese nationals tapos hindi mo alam kung anong i-ooperate sa building mo,” dagdag ni Fernandez. “Dapat po meron silang culpability as well.”
Giit niya, dapat kasuhan ang mga may-ari ng ari-arian sa ilalim ng Executive Order No. 74 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Nobyembre 5, kung saan ipinagbabawal ang “Philippine offshore gaming, internet gaming and other offshore gaming operations” sa bansa.
Sa tanong ni Fernandez, sinabi ng isang opisyal ng PNP-Criminal Investigation Group na wala pang property lessors na nakasuhan.
Ngunit ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, pinag-aaralan na nila ang paggamit ng “template” para maisama ang mga may-ari ng ari-arian sa mga kasong kriminal, kasabay ng mga POGO operator at empleyado.
“We already did this in the case of the Bamban, Tarlac and Porac, Pampanga POGOs,” ani Cruz.
Ipinabatid din niya kina Fernandez at sa Quad Comm na wala namang aktwal na illegal POGO operation sa Alabat.
“As to the POGO operation, hindi po nakitaan ng POGO operation,” saad ni Cruz. “Parang ang nangyari is nagse-set-up pa lang sila and they were caught.”
Samantala, sa kaso ng raid sa Yuchengco Tower sa Makati, sinabi niyang ito ay isang ganap na POGO operation, at ang 188 na Chinese nationals ay siyang nagpapatakbo ng operasyon sa limang palapag ng luxury building.
Nanawagan si Cruz ng isang “whole of government approach” laban sa illegal POGOs, na aniya’y nahahati na ngayon sa maliliit at mahirap matukoy na “guerrilla” operations.
“We need the cooperation of our local government units, where these groups sometimes obtain permits, and of course our local communities,” aniya.
Tinatayang may natitira pang humigit-kumulang 10,000 maliliit na POGO sa bansa, ayon kay Fernandez.
Sa panig naman ng PNP, sinabi ni bagong talagang chief Gen. Nicolas Torre III sa Quad Comm, na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na nakikipag-ugnayan sila sa PAOCC, NBI, at iba pang ahensya sa pagtugis sa mga natitirang POGO operators.