Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez

Fernandez kinastigo NGCP sa pagpapahirap sa konsyumer ng kuryente

13 Views

KINASTIGO ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagdinig ng House committee on legislative franchises noong Lunes dahil sa paniningil nito sa mga konsyumer ng kuryente ng mga proyekto kahit na hindi pa napapakinabangan ang mga proyekto nito.

Sinabi ni Fernandez na hindi makatarungan at malaki ang epekto sa publiko ng ginagawang ito ng NGCP kaya dapat umanong itigil ang sistemang ito.

“Parang ‘yung mga project na ginagawa pa lang ng NGCP eh hindi pa po nagagamit, hindi pa siya useful, hindi pa siya commissioned, hindi pa natin makikita na siya ay efficient dahil hindi pa siya tapos, sinisingil na natin sa taumbayan,” ayon kay Fernandez.

Ayon kay Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Monalisa Dimalanta ito rin ang kanyang posisyon subalit siya ay natalo sa botohan at ang nanaig ay ang paniningil sa konsyumer ng mga proyekto, kahit hindi pa tapos ang mga ito o ang isama lamang sa Regulatory Asset Base (RAB) ang mga natapos ng proyekto.

“As far as the minority is concerned, only the CAPEX amounts that resulted in actual assets. Hindi mo po kasi siya mabo-book as actual assets as if unless buo na po ‘yung project eh,” paliwanag ni Dimalanta.

Gayunpaman, sinabi ni Dimalanta na inaprubahan ng mayorya ng ERC ang pagsama ng capital expenditure (CAPEX) batay sa “as spent” na pamamaraan.

“The decision po of the majority is to allow NGCP to recognize the CAPEX of the value ‘as spent,’ so it is the ‘as spent approach’ versus the ‘completed and commissioned’,” ayon kay Dimalanta.

Sinabi ni Fernandez na mali ang ginawang ito ng ERC.

“Hindi pwede ‘yun. Hindi pwe-pwedeng nagastusan na ng NGCP ‘yung proyekto na hindi naman natin nagagamit ‘yung pino-produce nilang energy eh kinakarga na ng taumbayan,” saad nito.

Binatikos pa ni Fernandez ang nasabing desisyon at tinawag itong “katawa-tawa” at “lubhang imoral,” na inihalintulad ito sa paghingi ng bayad mula sa mga tao para sa isang hindi natapos na tollway.

Ipinakita ni Dimalanta ang mga pagkakaiba sa mga pagtataya ng CAPEX na isinumite ng NGCP at ang mga resulta mula sa independent consultants.

“The independent consultant recommended a CAPEX of only P24.9 billion. I think the numbers referred to are the CAPEX adopted by the majority, which is P179.3 billion for 2016 to 2022,” paliwanag pa ng opisyal.

Tinanong ni Fernandez ang basehan ng malaking pagtaas sa pagtataya ng halaga.

“Ito ay tumaas ng P196.6 (from P173 billion) para doon sa final determination. Ang tanong ko, ano ang pinagbabasehan ng desisyon noong pagtaas ng almost P23 billion citing that those projects were considered spent,” tanong nito.

Binigyang-diin ni Dimalanta ang pagtutol ng minorya na iginiit ang kanilang posisyon na tanging mga natapos at mahusay na proyekto lamang ang dapat isama sa RAB.

“That’s our stand. And the majority po, the stand of the majority, at least in the draft final determination, is that basta nagastos na ni NGCP, pwede na po niyang i-recover,” paliwanag nito.

Naninindigan si Fernandez na ang ganitong gawain ay labis na hindi makatarungan para sa mga konsyumer ng kuryente sa Pilipinas.

“Saan ka naman nakakita na ang tollway, ginagawa pa lang pero binabayaran na ng tao. That is absurd. That is highly immoral,” giit pa nito.

Bukod pa rito, ibinunyag ni Dimalanta na nagsumite rin ang NGCP ng aplikasyon upang isama ang P214.6 bilyong halaga ng CAPEX sa kanilang RAB. Nagdulot ito ng karagdagang alalahanin tungkol sa pinansyal na pasanin na ipinapataw sa mga konsyumer para sa mga hindi natapos na infrastructure projects.

Pinagtanggol ni Leonor Felipa Cynthia Alabanza, assistant vice president at pinuno ng public relations ng NGCP, ang mga kasanayan ng kompanya, partikular ang paggamit ng “as spent” approach, sa pamamagitan ng pagsasabing may mga naunang halimbawa o precedents na sumusuporta sa ganitong gawain.

“Historically, the ERC has allowed us on an ‘as spent’ basis,” paliwanag pa ni Alabanza na ang mga malalaking proyekto ng imprastruktura ay karaniwang nangangailangan ng malaking gastos sa simula.

Hindi naman tinanggap ni Fernandez ang katuwiran at binigyang-diin na ang mga ganitong gawain ay labag sa prinsipyo ng katarungan at pananagutan. Giit pa ng mambabatas na ang pagsingil para sa mga hindi natapos na proyekto ay hindi tama.

Ang pagdinig ay higit pang naglantad ng mga kontrobersyal na gawain ng NGCP at ang mga kakulangan sa regulasyon na nagpahintulot sa mga isyung ito na magpatuloy.

Sa kasalukuyan, ang mga mambabatas ay nagsusulong ng mas mahigpit na pangangasiwa upang maiwasan ang mga kaparehong problema sa hinaharap at maprotektahan ang kapakanan ng mga konsyumer ng kuryente sa Pilipinas.