Fernandez Laguna Rep. Dan Fernandez

Fernandez nagpahayag ng pangamba sa ‘Bato probe’ sa DU30 drug war

115 Views

NAGPAHAYAG ng pangamba si Laguna Rep. Dan Fernandez, co-chairman ng House Quad Committee na nag-iimbestiga sa mga kaso ng extrajudicial killing (EJK) sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, sa desisyon ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na magsagawa ng Senate inquiry sa madugong giyera kontra droga dahil malinaw na mayroon ditong “conflict of interest.”

Ipinunto ni Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, na si Dela Rosa ay may mahalagang papel na ginampanan sa Duterte war on drugs campaign dahil siya ang hepe ng Philippine National Police (PNP) ng ipatupad ito na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong Pilipino.

“Delicadeza na lang sana ang pairalin ni Sen. Bato. For me it is highly inappropriate for him, the chief enforcer of the drug war, to lead a probe into the very operations he designed and implemented,” ayon kay Fernandez.

“As the architect of the war on drugs, Sen. Bato would be practically investigating himself. This undermines the integrity and objectivity of any findings that may result from this investigation,” dagdag pa ng mambabatas.

Noong Miyerkules, ipinahayag ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., co-chair ng House Quad Comm, ang kanyang pagdududa sa kakayahan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na magsagawa ng patas na imbestigasyon kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Abante, chair ng House Committee on Human Rights, maaaring makompromiso ang integridad ng sinasabing Senate probe dahil malapit si Dela Rosa kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagtalaga sa kanya kay PNP chief at sumuporta sa kanya upang maging senador.

“I would think that he (Dela Rosa) would be more biased than actually balanced in that hearing,” ayon pa kay Abante sa ginanap na press conference sa Kamara noong Miyerkules.

Binanggit ni Fernandez na ang pamumuno ni Dela Rosa sa PNP sa panahon ng administrasyong Duterte ay nababalot ng maraming kaso ng EJK, na iniuugnay sa ipinatupad na reward system kung saan nakatatanggap ng pera ang mga pulis na nakakapatay ng drug suspect.

Ito ang naging sentro ng testimonya ni ex-PCSO General Manager at retired Police Lt. Col. Royina Garma na nagkumpirma sa pagpapatupd ng “Davao model” sa buong bansa, isang sistema ng pabuya sa salapi para sa matagumpay na pagpatay sa mga drug suspect sa panahon ng administrasyong Duterte.

Ang kontrobersyal na kampanya kontra droga ay nagresulta sa libu-libong pagkamatay, marami sa mga ito ang nananatiling nasa ilalim ng pagsusuri ng mga human rights organizations at international bodies.

“An inquiry into the extrajudicial killings must be impartial, transparent and independent. Sen. Bato will have none of that since he is part of the personalities being investigated. He cannot claim to offer any of these guarantees,” ayon pa sa mambabatas.

“This Senate investigation risks becoming a whitewash if its leadership is not changed,” dagdag pa nito.

Hinimok ng pinuno ng Quad Comm ang Senado na magtalaga ng mas independiyenteng senador upang manguna sa imbestigasyon, isang indibidwal na hindi direktang sangkot sa pagpapatupad ng kinukwestyong polisiya.

“Accountability requires that those who were part of the implementation of questionable policies take a step back from leading investigations into their own actions. The Filipino people deserve a credible and honest probe, not one marred by conflicts of interest,” diin pa nito.

Muling pinagtibay ng mambabatas ang dedikasyon ng komite sa paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng EJKs at sa pagtitiyak na ang mga responsable ay mapapanagot.

“Now is the time for transparency, and we call on the Senate to do the right thing. Let an independent investigation proceed, free from the influence of those directly tied to the drug war’s darkest chapters,” ayon pa sa kongresista.