lithuania Valanciunas: Hindi pa tapos ang laban. FIBA photo

FIBA: Lithuania, Valanciunas palaban

Robert Andaya Sep 9, 2023
183 Views

HINDI pa tapos ang laban para kay NBA veteran Jonas Valanciunas.

Muling nagpakitang gilas si Valanciunas matapos itatak ang panibagong double-double — ikawalo niya sa FIBA Basketball World Cup– upang pangunahan ang Lithuania sa 100-84 panalo laban sa Slovenia sa kanilang classification match sa harap ng 11,003 fans sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Gumawa ang 6-11 na si Valanciunas ng 24 points sa 8-of-15 shooting bukod pa sa 12 rebounds sa 27 minutes upang gabayan ang Lithuania sa isang wire-to-wire na panalo laban sa Slovenia at kay NBA superstar na si Luka Doncic.

Si Valanciunas, na No. 5 pick overall ng Toronto Raptors nung 2011 NBA Draft, ay magtatangka ngayon sa record ni Jose Ortiz, na may hawak na 10 double-doubles sa kasaysayan ng FIBA sa huling 30 taon.

Kung maglalaro si Valanciunas sa kanilang all-Baltic na laban sa Latvia ngayong Sabado, kailangan na lamang niya na makakuha ng limang rebounds upng lagpasan si Spanish legend Pau Gasol sa fifth place sa World Cup history.

“It was tough to find energy after the loss to Serbia, but I’m happy we found it. I’m happy we came really prepared and ready for this game. We’re not gonna give up. We’re playing for our country, for the fans, for people who come to support us, people who are watching us on TV screens. We’re gonna fight until the end,” pahayag ni Valanciunas.

Pero hindi lamang kay Valanciunas sumandal ang Lithuania para sa kanilang panalo.

Nag-ambag si Ignas Brazdeikis ng 15 points, four assists, two rebounds at two steals, habang nag-dagdag sina.Mindaugas Kuzminskas at Deividas Sirvydis ng tig 14 puntos.

Naging malaking bentahe din para sa Lithuania si Vaidas sa kanyang 10 assists kahit hindi ito umiskor sa loob ng 16 minuto.

Ayon sa FIBA, tanging si Marcelo Milanesio ng Argentina ang nakagawa nito nung 1994, or halos 30 taon ang nakalilipas.

Si Doncic, isa sa mga pinaka-sikat na players na dumating sa bansa para sa FIBA World Cup, ay umiskor ng game-high 29 points sa kabila ng mababang 7-of-21shooting. Meron din siyang six rebounds, three steals at two assists.

Ang high-scoring na Dallas Mavericks superstar ang nangunguna sa scoring sa kanyang average na 26.7 points sa pitong laro, kabilang na ang apat mula sa Okinawa.

Nakatulong ni Doncic sina Aleksej Nikolic, Mike Tobey at Zoran Dragic na nagbigay ng pinagsamang 39 points para sa Slovenia.

“We tried to match their quality, and in some moments we did it, we came to -2 in the third quarter, but could not maintain that level of play for the rest of the game. They made a lot of open shots, we missed all of them, that’s why they deserved to win,” paliwanag ni Nikolic.

Sa kabuuan, naging mas maganda ang paglalaro ng Lithunia kontra Slovenia, lalo na sa three-point shooting.

Ang Lithuania — ang tanging team na tumalo sa United States — ay may mas mataas na shooting percentage kumpara Sloveenia.

Sa pangunguna ni Kuzminskas, na nakapag-pasok ng lahat ng kanyang apat na three-point shots, ang Lithuania ay gumawa ng 14-of-25 shooting kumpara sa Slovenia’, na nalimitahan sa 15-of-40 mula parehong distansya.

Sa three-point shooting, si Doncic ay meron lamang 4-of-13 para sa 30 percent.

Naging mas mahusay din ang mga Lithuanians sa two-point shooting, 59 percent ( 38-of-64) kontra 38 percent (23-of-60).

Matapos malasap ang pagkatalo, haharap ang Slovenia laban sa Italy para matukoy kung sinong team ang mag seventh at eight placers.