Fil-Tsino negosyante ‘dinukot’ sa Pasay

Edd Reyes Apr 9, 2025
30 Views

KINUMPIRMA na umano ng dalawang opisyal ng malaking organisasyon ng mga negosyanteng Filipino-Chinese ang umano’y naganap na pagdukot sa kanilang kababayan noong bago magtapos ang nakaraang buwan sa Pasay City.

Nauna ng pumutok sa Chinese community sa Binondo, Manila, ang umano’y naganap na pagdukot sa mayamang negosyanteng Tsinoy na may-ari ng isang kompanya ng bakal noong Marso 29, sa isang malaking restaurant sa Macapagal Blvd. sa Pasay City, malapit na sa hangganan ng Paranaque City.

Pawang mga wikang Mandarin umano ang pag-uusap ng mga kidnaper na nagpatibay sa hinala na mga dayuhan Chinese din ang sangkot sa pagdukot.

Humihingi umano ng US$20 million ang mga kidnaper kapalit ng paglaya ng biktima subalit hanggang doon lang ang nakarating na impormasyon sa komudidad ng mga Tsinoy sa Binondo at hindi na nila alam kung napalaya na ang biktima o nakapagbayad na ng ransom

Sa pahayag naman ng Southern Police District (SDP) kanila pa umanong bineberipika ang impormasyon bagama’t hindi naman nila pinabulaanan na may ganitong uri ng insidente.

Hanggang nitong Martes ng hapon ay inihayag ng SPD na bina-validate pa nila ang impormasyon at hindi na sila nagbigay pa ng anumang detalye.

Umugong lang muli ang naturang insidente nang tangkain ng isang grupo ng hinihinlang malaking sindikatong ang pag-ambush ng 11-kalalakihan sa sasakyan ng Bureau of Jail and Management and Penology (BJMP) na layong sagipin ang nakapiit na Chinese national na dumalo lang ng pagdinig sa isang korte sa Makati City Lunes ng umaga.

Nabigo ang mga suspek na maagaw ang Chinese national nang manlaban ang apat na jail officers na escort ng dayuhan kaya’t napilitan silang umatras hanggang madakip ang anim sa kanila.