Calendar
PAGCOR: Deadline para sa 2025 photography contest hanggan Hulyo 31 lamang
INANUNSYO ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na hanggang Hulyo 31 na lamang ang deadline ng pagsusumite ng entries para sa 2025 PAGCOR Photography Contest.
Bukas ang patimpalak sa lahat ng Pinoy photographers, amateur at propesyonal, na may edad 16 pataas.
Ang tema ngayong taon ay “Infrastructure for Economic Development.”
Layon ng tagisan na ipakita kung gaano kahalaga ang mga imprastrukturang tulad ng kalsada, tulay, pantalan, paliparan, kuryente, tubig, at digital networks sa pag-unlad ng ekonomiya at pag-angat ng kabuhayan ng mga mamamayan.
Binigyang-diin ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco na napapanahon ang tema sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng Pilipinas.
“We want to showcase how infrastructure development fosters connectivity, stimulates economic activity, and paves the way for inclusive progress across the country,” ani G. Tengco.
“With just a few days remaining before the deadline, we are encouraging aspiring and seasoned photographers alike to seize this opportunity and tell powerful stories of progress, one frame at a time,” dagdag pa niya.
Binuksan ang kumpetisyon noong Pebrero 1, 2025 at may tatlong kategorya:
Conventional – para sa mga litratong kuha gamit ang digital camera;
Mobile – para sa mga kuhang gamit ang smartphone o action cam;
Drone – para sa mga aerial shots gamit ang drone-mounted camera.
Magkakaroon ng walong grand winners sa bawat kategorya. Ang top prize para sa Conventional Category ay Php100,000 at trophy, habang Php50,000 at trophy naman ang matatanggap ng mga mananalo sa Mobile at Drone Categories.
Ang mga finalist na hindi magwawagi ay makatatanggap pa rin ng consolation prizes: Php35,000 para sa Conventional, at Php20,000 para sa Mobile at Drone categories.

