Calendar

FL Liza Marcos pangungunahan inisyatiba para sa kapakanan ng OFWs sa Riyadh
NASA isang opisyal na pagbisita sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos upang makipagpulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) at pangasiwaan ang mga inisyatiba para sa kanilang kapakanan, ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Biyernes.
Lumipad patungong Riyadh ang Unang Ginang nitong Huwebes at inaasahang babalik sa Lunes.
Sa isang press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na layunin ng pagbisita na patunayan ang matatag na paninindigan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbibigay ng madaling akses sa serbisyo ng pamahalaan para sa mga Pilipino.
“Kabilang sa iskedyul ng Unang Ginang ang pagbisita sa OFW at OWWA Serbisyo Caravan—isang one-stop government outreach na nag-aalok ng mga serbisyo tulad ng legal aid, pinansyal na suporta, at counseling para sa mga OFW at kanilang pamilya,” ayon kay Castro.
Dagdag pa ni Castro, magtatayo rin ang Unang Ginang ng isang one-stop shop sa Riyadh upang bigyang-daan ang mga OFW na makuha ang iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa iisang lugar.
“Bibigyang pansin din ng Unang Ginang ang pagbisita sa mga shelter na kumukupkop sa mga Filipinang kababaihan, manggagawa, at mga bata na nasa mahirap na kalagayan,” ani Castro. PCO