Romero1

Food inflation rate labis na ikinabahala

Mar Rodriguez Mar 1, 2023
402 Views

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang House Committee on Poverty Alleviation na posibleng lalo pang madagdagan ang bilang ng mga Pilipinong mahihirap ngayon taon partikular na ang mga nasa tinatawag na “poorest of the poor” kung magpapatuloy ang mataas na “food inflation rate sa bansa”.

Sinabi ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., Chairman ng Komite, na sa kasalukuyan ay nasa 11.2% ang nararanasang food inflation rate at inaasahang madadagdagan pa ng 2.58 million ang bilang ng mga Pilipinong mahihirap sa buong taon.

Dahil dito, nais malaman ni Romero kung mayroon bang dapat baguhin o idagdag sa mga “poverty reduction programs” ng gobyerno na nakapaloob naman sa 2023 General Appropriations (GAA) Act. Kung saan, iminungkahi din nito ang agarang pamamahagi ng ayuda para sa mga Pilipinong mahihirap.

Ipinaliwanag din ni Romero na mahalagang maitaas din ng pamahalaan ang “revenues” o kita nito upang magamit ito bilang pang-tulong sa publiko lalo na para sa mga mahihirap na Pilipino sa gitna ng nagta-taasang presyo ng mga bilihin at nararanasang food inflation rate.

Ayon kay Romero, sa inilabas na ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA). Pumalo sa 8.7% ang inflation rate para sa buwan ng January ng kasalukuyang taon na lumampas naman sa inflation rate projection ng Development and Budget Coordination Committee (DBCC) na aabot lamang umano sa 2% hanggang 4% ang nasabing inflation rate.

Sang-ayon din ang kongresista sa panukalang pagkakaloob ng “special powers” kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang mabawasan ang epekto ng “inflation” o ang mabilis na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin na lalong nagpapadagdag sa hirap ng mga Pilipino.