Acidre

Fuel subsidy ibigay natin sa mga magsasaka, mangingisda–Rep. Acidre

Mar Rodriguez Mar 27, 2026
242 Views

NANANAWAGAN ang TINGOG party list sa pamahalaan ng pagbibigay ng subsidy sa krudo sa mga magsasaka at mangingisda sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.

Ayon kay TINGOG party list Rep. Jude Acidre, ang sektor ng agrikultura at pangingisda ang pangunahing haligi ng ekonomiya ng Pilipinas na nag-aambag ng mahigit P1 trilyon sa taunang kita at nagpapanatili ng food security.

Sa kabila nito, sinabi pa ni Acidre na ang milyon-milyong magsasaka at mangingisdang Pilipino ay araw-araw nagsisikap para lamang tiyakin na may pagkaing nakakarating sa tahanan ng bawat mamamayan.

Ang sektor ng mga mangingisda at magsasaka ang bumubuhay sa ating bansa subalit sila rin ang nananatiling pinakamahina pagdating sa aspeto ng ekonomiya dahil ilan sa kanila ay maliliit na producer lamang, ayon sa mambabatas.

Dagdag pa ni Acidre na dahil sila ay maliliit na producer lamang, wala ring sapat na kakayahan ang mga mangingisda at magsasaka para pasanin ang pagtaas ng gastos sa produksyon sapagkat para sa mga mangingisda ang krudo ay isa sa pinakamahalagang gastusin sa kanilang operasyon.

Kadalasan, kumakain ng malaking bahagi ng kita ng mga magsasaka at mangingisda ang gastos sa krudo, dagdag ng mambabatas.

Binigyang diin pa ng kongresista na dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng langis, mas nagiging malabo ang kanilang kakayahang magpatuloy sa kanilang paghahanap-buhay.

Nanawagan si Acidre para sa mabilis na pagpapalabas ng mga fuel subsidy upang maibsan ang gastos sa produksyon, mapanatili ang supply ng pagkain at maprotektahan ang mga pamilyang Pilipino mula sa karagdagang taas-presyo sa pagkain.