Calendar
Gadon naghamon ng debate
Upang patunayan na tax issue walang saysay
HINAMON ni UniTeam senatorial candidate Atty. Larry Gadon ang abogadong si Antonio Carpio sa isang debate upang patunayan na walang saysay at hindi naaayon sa taxation law ang pinagsasabi nito patungkol sa estate tax ng pamilya Marcos.
Ayon kay Gadon, kung talagang pinaninindigan Carpio na ngayon ay umaaktong propagandista na nang mga dilawan ang bintang nito laban kay presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ay dapat daanin na lang ito sa isang debate sa pagitan nila.
“Masyado mong nililito ang tao, “ ani Gadon.
Ayon sa kanya, malaking pagkakamali na ibintang kay Marcos ang pagkakautang na P203 billion state tax dahil una, walang tiyak na detalye kung paano at saan na-compute ang P203 billion.
Ikalawa, ang estate tax ay hindi pananagutan ni BBM kundi ng Marcos Estate dahil magkaiba ang individual taxpayer na tulad ni BBM at estate taxpayer na tulad naman ng Marcos Estate dahil may sarili itong juridical personality kaya may sariling tax identification number.
Aniya sa madaling salita ay ang dapat magbayad ng buwis kung meron man ay ang estate mismo nidating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr.
“Kahit sina First Lady Imelda Marcos, Senator Imee at Madam Irene Marcos-Araneta ay hindi rin puwedeng singilin sa estate tax dahil hindi pa nila ito pag-aari. Iyan ang tunay na isyu at huwag mong ibahin ang isyu propagandistang Carpio. Nagmumukha kang bobo dahil sa frustration n’yong talunin si BBM ngayong election,” sabi pa ni Gadon.
“Saka bakit mo babayaran ang estate tax kung kinukuwestiyon n’yo kung totoo ba na pag-aari ito ng mga Marcos? Ano baliw, magbabayad ka ng tax na hindi pa naman siguradong ari-arian mo nga iyon? Ang tatanga talaga ng dilawan!” wika pa ni Gadon.
Binigyang-diin ng YouTube sensation na abogado na kahit saan at kahit kailan wala ring nakukulong sa hindi pagbabayad ng tax.
“Parang amilyar sa lupa lang iyan. Ibig sabihin kapag hindi tayo nakabayad ng amilyar sa lupa natin, ikukulong na natin? Hindi ba ireremata lang ito ng gobyerno?” dagdag pa ni Gadon.
“Para magkaalaman na kung sino sa atin ang tanga at bobo, magdebate na lang tayo, propagandistang Carpio!” pahabol pa nito.
Kamakalawa, kinastigo rin ni dating Senate President Juan Ponce Enrile si Carpio dahil naging propagandista na ito ng mga kalaban ni Marcos.
Iginiit ni Enrile na wala siyang nakikitang ibang dahilan sa isyu ng estate tax kundi pulitika lalo na at isang buwan na lamang bago maghalalan sa Mayo 9.
“Alam ninyo, mga kababayan pulitika ngayon eh bago kayo maghusga, bago kayo maniwala, makinig kayo. Bago kayo maniwala isipin muna ninyo kung totoo yung sinasabi ng mga tao na yan,” ani Enrile.
“Kahit na ex-Supreme Court Justice Carpio kung hindi nya napag-aralan iyan at hindi nya naintindihan at hindi nya prinaktis sa kanyang pagiging abogado, hindi nya naintindihan yan,” dagdag ng dating senador.
Si Enrile, isang taxation law expert at may master degree of law sa Harvard ay nag-volunteer din bilang abogado ni Marcos dahil kumpiyansa itong sa kangkungan pupulutin ang mga argumento ng grupo ni Leni Robredo na pinangungunahan ni Carpio.