Pook award

Galing Pook award nakuha ng Bataan

Christian Supnad Oct 22, 2026
113 Views

IBINALITA noong Huwebes ni Bataan Gov. Joet Garcia na napili uli ang Bataan na isa sa mga Top Ten Outstanding Local Governance Programs ng Galing Pook 2026.

“Ikinagagalak po nating ibalita na ang Bataan eMobility ang isa Top Ten Outstanding Local Governance Programs ng Galing Pook 2026 sa seremonyang ginanap kahapon, ika-21 ng Oktubre, sa Malacañang Palace sa pangunguna ni Pangulong Bongbong Marcos,” sabi ng gobernador.

Ang Bataan eMobility ay patuloy ang pagsusulong ng paggamit ng electric vehicles, pagtatayo ng mga EV charging stations at pagpapalawak ng Libreng Sakay Program upang mabawasan ang gastos sa transportasyon at mapanatiling malinis ang hangin sa buong probinsya.

“Bagama’t hindi po nakasama bilang awardee ang KITa-KITá: 1Bataan 1KIT at 1PawiCAN dahil isang programa lamang ang maaaring gawaran nang pagkilala sa bawat yunit pamahalaang lokal, malaking karangalan pa rin po na mapabilang ang dalawa sa 19 na finalists,” paliwanag pa ng gobernador.

Ito na ang ikaapat na pagkilala ng Bataan mula sa Galing Pook, kasunod ng Public-Private Partnership (PPP) Program noong 2022, 1Bataan Seal of Healthy Barangay noong 2023 at Bahay-Wika noong 2024.

Ang Galing Pook ay kumikilala sa mga makabago at nakatutulong na programa ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Naging Hall of Famer din ang Bataan matapos sunod-sunod na mapiling Most Business-Friendly ang Bataan nitong nagdaang ilang taon.