Shabu

Game over sa software technician na huli sa shabu

Edd Reyes May 7, 2025
13 Views

SA halip gamitin ang kaalaman bilang software technician, mas pinili pang magbenta ng ilegal na droga ng 45-anyos na kelot sa Valenzuela City.

Sising alipin si alyas “Boss Mar” residente ng Captain Cruz St. Brgy. Parada nang dakpin ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban dakong ala-1:30 ng madaling araw ng Miyerkules sa paanan ng M Delos Reyes Foot Bridge sa E. Francisco St. matapos pagbentahan ng P7,500 halaga ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer.

Ayon kay Col. Cayaban, ilang araw na tiniktikan nina P/Capt. Joan Dorado ang aktibidad ng suspek na mistulang nagbebenta lamang ng ordinaryong produkto sa mismong foot bridge sa Bgy. Parada hanggang tuluyang kumagat sa alok ng police poseur-buyer na nagkunwang bibili ng droga na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nang kumpiskahin ng mga pulis ang dalang sling bag ng suspek, nakuha rito ang may 70-gramo pa ng shabu na nagkakahalaga ng P476,000, pati na ang markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation.