Sen. Panfilo “Ping” Lacson

Gantimpala para sa magagaling na LGU gustong i-swing ni Ping

26 Views

ISINUSULONG ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang Senate Bill No. 405 o ang Local Government Development Fund Act of 2025 na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan at kalusin ang napakatagal ng political patronage.

Sa panukala ng senador, 1% ng kabuuang koleksyon ng Value-Added Tax (VAT) ay ilalaan para sa mga local government units (LGUs) na makapagtatala ng hindi bababa sa 10% pagtaas sa kanilang VAT collection kumpara sa nakaraang taon.

Ang datos na ito ay kailangang sertipikado ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) at beripikado ng Department of Finance (DOF).

Ayon sa panukala, tanging mga proyekto na nakaangkla sa Comprehensive Development Plan (CDP) ng LGU ang maaaring pondohan upang masigurong tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga mamamayan at sumusuporta sa inclusive growth.

Iminungkahi rin ni Sen. Lacson ang pagbuo ng web-based monitoring system na may initial na pondong P100 milyon upang maging bukás sa publiko ang paggasta ng pondo.

Kasabay nito, may mga probisyon para sa capacity-building o pagpapalakas sa kakayahan ng mga LGU na pangasiwaan ang pondo nang may pananagutan, mas mahusay na serbisyo at higit na tiwala mula sa kanilang nasasakupan.

Binigyang-diin ni Lacson na mahalagang alisin ang discretionary allocations at igapos ang development funding sa nasusukat na performance.

“Giving the LGUs the necessary wherewithal to be active participants in the development of our country will contribute to dismantling the culture of mendicancy and political patronage that viciously thrive in our system,” paliwanag ng senador.

Ang pondo ay isasama sa General Appropriations Act at direktang ilalabas sa mga kwalipikadong LGU ng Department of Budget and Management (DBM) at hindi na dadaan sa mga political intermediaries.

Para sa mga grupong nagsusulong ng mabuting pamamahala, transparency, at laban sa katiwalian, ang panukalang ito ay isang makabuluhang hakbang tungo sa mas autonomous, responsable at tumutugon na pamahalaang lokal.