Just In

Calendar

May 2024
M T W T F S S
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  
Garin

Garin: Mas malawak na pagsilip sa isyu ng guro na nanermon ng estudyante kailangan

Mar Rodriguez Mar 19, 2024
399 Views

NANAWAGAN si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa Department of Education (DepEd) na tignan sa mas malawak na pananaw ang nag-viral na TikTok video kung saan sinermonan ng isang guro ang kanyang mga estudyante.

Sa pulong balitaan ng Kamara nitong Martes, sinabi ni Garin na mahalagang tugunan ng DepEd ang hirap na pinagdaraanan ng mga guro, lalo na sa pampublikong paaralan na maaaring ugat umano ng nagawa ng guro.

“That is where the management should come into play. Because this point of time, nangangailangan ng nanay. Nangangailangan ng nanay both the students, the teachers and the institution,” punto ni Garin.

Batid ng mambabatas ang kapangyarihan ng social media sa pagpapakalat nito ngunit hinimok ang publiko na tignan ang pangyayari sa mas malawak na aspeto.

Inilatag din niya ang pagkabahala ng estado sa kapakanan ng mga guro sa pampublikong paaralan at ang posibleng kawalan ng paraan para mailahad ang kanilang mga pangangailangan, mga problema at pagtanggap o pag-intindi sa kanilang mga mag-aaral.

Kaya mahalaga aniya ang pagkakaroon ng command o support system sa sektor ng edukasyon upang mabigyang pagkakataon ang mga guro na mailabas ang kanilang mga saloobin at makakuha ng tulong.

“It’s (DepEd) a very big institution and there should be a command or a chain where they can vent out their problems,” giit ni Garin.

“Syempre ngayon marami ang nagagalit sa kanya (teacher in the viral video) and on one hand naman hindi lang din natin alam kung ilan sa ating public school teachers are feeling the same.”

Hinanapan din ni Garin ng feedback mechanism sa pagitan ng mga guro at kanilang pamunuan kung saan nila malayang mailalahad ng mga guro ang kanilang problema at makakakuha ng suporta upang matugunan ito.

Marahil aniya ay matagal nang may kinikimkim na galit ang naturang guro ngunit hindi makalapit sa principal, regional director, o kahit sa DepEd Central Office kaya idinaan niya ito sa social media.

Dagdag niya na kailangan ng masusing pagsusuri sa insidente dahil posibleng hindi ito isolated case bagkus ay isang sintomas ng mas malaking isyu.

“This speaks of a bigger situation, a wider situation na dapat talaga tignan ng liderato ng DepEd, and solution must be in place,” giit pa niya.

Ibinahagi rin nina House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita Ignacia “Atty. Migs” Nograles, at Taguig 2nd District Rep. Amparo Maria Zamora, ang kanilang pananaw sa naturang viral video.

Sabi ni Nograles na mahalaga ang responsableng paggamit ng social media para makapagbigay impormasyon at magpakalat ng kabutihan sa iba.

“You have to be responsible poster, ‘di ba?” sabi ni Nograles. “‘Yung social media is a platform that you can use for the good or evil, it’s either maninira ka ng tao or gagawin mong pang clickbait or whatsoever so hopefully ‘di ba gamitin natin ‘yung social media sa tamang paraan, to educate, to be a better person, to be a kinder person, hindi ‘yung mga paninira or fake news.”

Nabahala naman si Zamora sa masasakit na mga salitang binitiwan ng guro kasabay ang paggiit ng kahalagahan ng pagtitimpi at tamang asal.

“Bilang isang guro dapat nag-practice talaga siya ng self-control. Bilang guro na ginagalang, dapat hindi siya talaga nagwala,” ani Zamora.