EJK File photo ng biktima ng madugong drug war ng dating administrasyon. Kuha ni JON-JON C. REYES

Garma: CIDG-11 nagsilbing sentro ng drug war na may premyo

102 Views

ISANG task force na pinamunuan ni retired Police Col. Edilberto Leonardo, nakabase sa regional office ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Davao City, ang naging sentro ng reward-driven war on drugs ng administrasyong Duterte, ayon kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma.

Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa House quad committee, idinetalye ni Garma kung paano naging insentibo ang financial rewards sa mga pagpatay ng drug suspects, kung saan mas binibigyang prayoridad ang extrajudicial killings (EJK) kaysa sa mga pag-aresto.

Si Garma, isang retiradong pulis na malapit kay Duterte, ay nagsiwalat na ang kontrobersyal na anti-drug campaign ay isinagawa sa ilalim ng direktang utos ng dating pangulo, kasama si Sen. Christopher “Bong” Go at si Leonardo sa mga pangunahing tagapagpatupad nito.

Si Leonardo, noon ay CIDG Region 11 chief, ang bumuo ng isang team ng mga pinagkakatiwalaang operatiba para isagawa ang operasyon ng drug war, na sinunod umano ang “Davao Model” na ginamit ni Duterte bilang mayor—isang sistema na nagbibigay ng reward sa mga pulis para sa pagpatay ng mga hinihinalang drug suspects.

Kasama raw sa grupong ito sina Rommel Bactat, Rodel Cerbo, Michael Palma at Lester Berganio.

“Rommel Bactat, Rodel Cerbo, and Michael Palma were all former police officers stationed at the CIDG 11 Office,” ayon sa affidavit ni Garma.

“They were discharged from service on or about a year ago due to an operation that led to the killing of one individual,” dagdag pa niya.

Ayon kay Garma, ang mga operatiba na ito ay naatasang magtipon ng intelligence ukol sa mga drug suspect at mag-ulat ng mga pag-aresto at pagpatay.

Ang mga ulat na ito ay ipinoproseso umano ni Berganio, na may hawak ng isang kumpletong listahan ng mga drug personalities sa bansa.

Ang mga impormasyong ito raw ay iniaakyat kay Leonardo, na nagtatakda ng “level” ng operasyon at ng kaakibat na reward.

“Rewards were only given for killings, while for arrests, only the funding of the COPLAN and a refund for the expenses was given,” paliwanag ni Garma, na tumutukoy sa case operation plan.

Sa isang pagdinig nitong Biyernes, sinabi ni Garma sa quad committee na habang hindi niya alam ang eksaktong halaga, ang mga cash reward para sa drug-related killings ay mula P20,000 hanggang P1 milyon, depende umano sa target.

Isa sa mga mahalagang bahagi ng testimonya ni Garma ay ukol sa mga financial operations na sumusuporta sa task force na pinamunuan ni Leonardo.

Ibinunyag niya na si Peter Parungo, isang dating detenido na naabswelto sa kasong rape, ang nag-aasikaso raw ng mga transaksiyong pinansyal na may kaugnayan sa task force.

Lahat ng pondo para sa COPLAN, refund para sa operational expenses at rewards para sa mga agent ay dumadaan umano sa mga account ni Parungo sa mga pangunahing bangko sa Pilipinas.

“All COPLAN funds, refunds for operational expenses, and rewards for agents were processed through the bank accounts of Peter Parungo at Metrobank, BDO, and PS Bank,” ani Garma.

Habang si Parungo raw ang humahawak ng mga pondo, si Berganio naman umano ang patuloy na nangangalaga ng listahan ng mga drug personalities, na tinitiyak na naipapasa ang intelligence mula sa mga pulis kay Leonardo para sa final decisions.

Ibinahagi rin ni Garma ang koneksyon ng drug war sa mga operasyon sa Bureau of Corrections (BuCor), kung saan nakakulong ang ilan sa mga pinakamalalaking drug lord sa bansa.

“I was informed that the drug structure originated from BuCor, where numerous drug lords are currently incarcerated, and that it has three branches—Luzon, Visayas, and Mindanao—with Peter Lim involved in the Visayas region,” saad ni Garma.

Ang intelligence raw na ito ang naging gabay sa mga operasyon ng task force, na nakatuon sa mga high-value targets na sangkot sa illegal drug trade.

Ang task force umano ay hindi lamang nagsasagawa ng operasyon sa ground kundi may direktang linya rin sa mga matataas na opisyal.

Ibinahagi ni Garma na regular na nagbibigay ng briefing si Leonardo sa mga senior law enforcement officers, kabilang ang mga mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Garma, anumang pagpatay na nangyari sa mga operasyon ay direktang iniuulat ni Leonardo kay Go, na noon ay Special Assistant to the President.

“Leonardo conducted briefings for all PDEA, IG (Intelligence Group), Regional Directors, and PNP Chiefs regarding operations,” pahayag ni Garma.

“Additionally, if any individual died during police operations, Leonardo reported the incident to Bong Go for inclusion in his weekly report and requests for refunds of operational expenses,” wika niya.

Ibinunyag din ng affidavit ni Garma na si Leonardo ang may buong kontrol sa listahan ng mga drug personalities na target ng task force.

Ayon sa kanya, si Leonardo ang may kapangyarihang magpasya kung sino ang isasama sa listahan, tukuyin ang antas ng banta at alisin ang mga indibidwal mula rito.

Sa unang bahagi ng kanyang affidavit, inalala ni Garma na noong Mayo 2016, matapos maupo si Duterte bilang pangulo, inatasan siya nito na maghanap ng PNP officer na mamumuno sa nationwide implementation ng war on drugs.

Sa huli, inirekomenda niya ang kanyang upperclassman na si Leonardo, na naging sentral na pigura sa pag-organisa ng anti-drug campaign sa buong bansa.

Matapos magretiro ni Leonardo sa police force, itinalaga siya ni Duterte bilang undersecretary sa Department of Environment and Natural Resources at kalaunan bilang Commissioner ng National Police Commission (Napolcom).

Gayunpaman, inihayag ni Napolcom Vice Chair Alberto Bernardo sa pagdinig ng quad committee nitong Biyernes na kamakailan lang ay nagbitiw si Leonardo sa kanyang posisyon kasunod ng patuloy na imbestigasyon sa mga EJK.