Gatchalian

Gatchalian: COVID-19 booster shots para sa mga menor de edad paghandaan

245 Views

HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga paaralan at mga lokal na pamahalaan na paghandaan na ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccine booster shots sa mga menor de edad o ‘yung nasa 12 hanggang 17 taong gulang.

Ito ay matapos aprubahan ng Department of Health ang paggamit sa Pfizer-BioNTech vaccine bilang booster dose sa naturang age group.

Ayon kay Gatchalian, dagdag proteksyon ang mga naturang booster shots sa mga menor de edad, lalo na’t pinaghahandaan na ng Department of Education (DepEd) ang ganap na pagbabalik ng face-to-face classes. Binigyang diin din ng senador na kailangang protektahan ang mga kabataan, lalo na’t may nakikitang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa.

Dagdag pa ni Gatchalian na nakatakda uling maging Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture sa susunod na Kongreso, mahalaga ang aktibong pakikilahok ng mga paaralan sa pagbabakuna ng mga menor de edad kontra COVID-19. Ito ay upang mapadali ang pagtukoy at pagmonitor sa mga mag-aaral na maaari nang makatanggap ng bakuna, kabilang ang booster shots.

Noong nakaraang Mayo, nagbigay ng direktiba ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 na magpamahagi ng mga bakuna sa mga paaralan, bagay na sinuportahan ni Gatchalian.

“Ngayong makakatanggap na ng mga booster shots ang ating mga menor de edad o ‘yung mga nasa edad na 12 hanggang 17, dapat nang maghanda ang mga lokal na pamahalaan at mga paaralan upang maging maayos ang ating sistema ng pagbabakuna,” pahayag ng senador.

Bagama’t hindi mandatory ang pagbabakuna ng mga mag-aaral bago lumahok sa face-to-face classes, giniit ni Gatchalian na mahalagang mabakunahan ang mas maraming mga mag-aaral upang mabigyan sila ng proteksyon kapag nagbukas na ang mga paaralan sa susunod na academic year.

“Mahalagang gawin natin ang lahat ng hakbang upang matiyak natin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa kanilang pagbabalik sa face-to-face classes,” ani Gatchalian.

Upang mapaigting ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsala ng pandemya, hinihimok ni Gatchalian ang susunod na administrasyon na buksan na ang lahat ng mga paaralan, child development center, at mga Alternative Learning System (ALS) community learning centers.