Gatchalian

Gatchalian, giniit ang agararan pagsasatupad ng face-to-face classes para sa lahat ng mag-aaral sa pagbubukas ng klase

208 Views

Lumabas sa isang survey ng Pulse Asia na karamihan sa mga Pilipino ay pabor sa pakikilahok ng mga bata sa face-to-face classes sa darating na school year, bagay na ilang buwan nang ipinapanawagan ni Senador Win Gatchalian.

Para sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, malinaw na hudyat ito sa pamahalaan na hindi na dapat pang ipagpaliban ang pagbabalik ng face-to-face classes mula sa mahigit dalawang taong online learning bunsod ng pandemya. Aniya, ang patuloy na kawalan ng face-to-face classes ay lalo lamang magdudulot ng pinsala sa ekonomiya dahil sa nakakabahalang learning loss o pag-urong ng kaalaman.

Ayon sa survey na kinomisyon ni Gatchalian at isinagawa noong Hunyo 24-27, 94% ng mga nakilahok sa survey ang sumasang-ayon na dapat pahintulutan ang mga batang mag face-to-face classes na, samantalang 4% ang hindi matukoy kung sang-ayon sila o maaaring hindi sang-ayon, at 2% lamang ang hindi sang-ayon. Kung pagbabatayan ang estado sa buhay ng mga kalahok sa survey, lumalabas na 85% mula Class ABC, 96% mula Class D, at 92% mula sa Class E ang sumasang-ayon dito.

“Kung pakikinggan natin ang ating mga kababayan, makikita nating napakalakas ng panawagan para sa pagbabalik ng face-to-face classes. Hindi na natin maaari pang ipagpaliban ang pagbabalik ng ating mga kabataan sa paaralan at hindi na natin dapat hayaang mahuli ang sektor ng edukasyon mula sa pagbangon natin sa pandemya,” ani Gatchalian.

Taliwas ang naging resulta ng naturang survey sa isang parehong pag-aaral na ginawa noong Hunyo 2021, kung saang 44% lamang ang sumang-ayon sa pagbabalik ng face-to-face classes, 33% ang nagsasabing hindi nila matukoy kung sang-ayon sila o maaaring hindi sila sang-ayon, at 23% ang hindi sang-ayon. Samantala, 32% mula Class ABC, 44% mula Class D, at 49% mula sa Class E ang nagsabing pabor sila sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Kamakailan ay ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) na lahat ng mga pampubliko at pribadong mga paaralan ay dapat magsagawa na ng face-to-face classes simula Nobyembre 2.

Para naman matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, iginiit ni Gatchalian na dapat paigtingin pa ang pediatric vaccination laban sa COVID-19. Dapat pamunuan aniya ng DepEd ang mas agresibong school-based vaccination program sa tulong ng Department of Health (DOH).

Nababahala si Gatchalian na nananatiling mababa ang bilang ng mga kabataang may edad na 5 hanggang 11 na nabakunahan na laban sa COVID-19. May naitalang 3.6 milyon o 26% sa 14 milyong mga batang may edad na 5 hanggang 11 ang fully vaccinated na, ayon sa datos noong Hulyo 7. Samantala, nasa 9.6 milyon na o 86% ng 11.4 milyon ang fully vaccinated na sa mga kabataang may edad na 12 hanggang 17.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang pagsasara ng mga paaralan ay katumbas ng 10.8 trilyong pisong mawawala sa bansa pagdating sa productivity. Ang mas malala pa, magdudulot daw ito ng kawalan ng trabaho sa susunod na apat na dekada.