Gatchalian

Gatchalian iginiit pamumuno sa impeachmrnt proceedings

30 Views

IGINIIT ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na siya ang mamumuno sa impeachment proceedings habang lumawak ang sigalot sa liderato ng Senado mula sa usaping pampulitika tungo sa labanan sa opisyal na mga dokumento, proteksyon ng mga empleyado at kontrol sa Senate Secretariat.

Tiniyak din ni Gatchalian sa unyon ng mga empleyado ng Senado na hindi maaapektuhan ng power struggle ang kanilang suweldo at benepisyo, at hindi dapat madamay o mapilitang pumili ng panig ang rank-and-file workers sa banggaan ng dalawang kampo.

Dumating ang katiyakan matapos magpahayag ng pangamba ang mga empleyado ng Senado sa magkakasalungat na direktiba sa loob ng kapulungan kasunod ng mga pangyayari noong Hunyo 3 na nagbunga ng leadership change na iginigiit ng bagong mayorya.

Sinabi ni Gatchalian na kailangang magpatuloy ang trabaho ng Senado sa kabila ng sigalot, lalo na’t papalapit ang impeachment process at kailangan ng mga empleyado ng malinaw na awtoridad sa mga usaping administratibo at pinansyal.

Tinanggihan din niya ang panukala ni Senator Alan Peter Cayetano para sa pansamantalang kaayusan kung saan pareho silang pipirma sa opisyal na mga dokumento ng Senado habang hindi pa nalulutas ang hidwaan sa liderato.

Para kay Gatchalian, mas lalo lamang lalalim ang kalituhan sa institusyon kung papayagang pumirma ang dalawang nag-aagawang lider. Nanindigan siya na hindi maaaring gumana ang Senado sa ilalim ng hati o dobleng command structure, lalo na sa mga usapin ng official records, disbursements, personnel actions at impeachment process.

Nanindigan ang kampo ni Gatchalian na balido ang proceedings noong Hunyo 3, may quorum, at maaaring kumilos ang Senado sa usapin ng liderato at internal organization.

Pinagtibay rin ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang awtoridad ni Gatchalian, at iginiit na balido at legal ang nangyari noong Hunyo 3. Naging mahalaga ang posisyon ni Escudero dahil ang kanyang presensya ang tumulong para makapagpatuloy ang kapulungan matapos ang dalawang araw na bigong sesyon dahil sa pagliban ng Cayetano bloc.

Sa proceedings noong Hunyo 3, nailuklok si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President matapos kumilos ang bagong mayorya para reorganisahin ang kapulungan.

Nahalal din si Renato “Rey” Bantug Jr. bilang Senate Secretary ng bagong mayorya matapos magpatuloy ang proceedings ng kapulungan. Naging sentrong isyu ang posisyon dahil may mahalagang papel ang Senate Secretary sa official records, communications, notices at institutional documents.

Ang pagtanggi ni Gatchalian sa joint-signature proposal ay hudyat na hindi papayag ang bagong mayorya sa shared leadership arrangement kasama ang Cayetano bloc.

Iminungkahi ng kampo ni Cayetano ang dual-signature o joint-certification mechanism para sa vouchers, checks, disbursements, contracts, personnel actions at iba pang dokumentong kailangan para sa tuloy-tuloy na operasyon ng Senado at ng impeachment court.

Sinabi ni Cayetano na layunin ng kaayusan na maiwasang maantala ang operasyon ng Senado at paghahanda sa impeachment habang hinihintay ang pinal na resolusyon sa leadership dispute.

Ngunit tinanggihan ng panig ni Gatchalian ang setup, at nanindigang kailangang may isang malinaw na chain of command at isang kinikilalang awtoridad para sa mga opisyal na aksyon ng Senado.

Dahil sa sigalot, napunta ang Senado sa hindi karaniwang sitwasyon kung saan parehong iginigiit ng dalawang kampo ang awtoridad sa liderato ng kapulungan, committee work, administrative orders at opisyal na mga dokumento.

Para sa mga empleyado ng Senado, nagdulot ang bangayan ng kalituhan kung aling direktiba ang dapat sundin at kung maaari silang managot sa pagsunod sa utos ng alinmang panig. Sinikap ni Gatchalian na pakalmahin ang mga pangamba sa pamamagitan ng pagtitiyak na magpapatuloy ang suweldo, benepisyo at regular na operasyon.

Lumampas na ang isyu sa tanong kung sino ang may hawak ng Senate presidency. Saklaw na rin nito kung sino ang maaaring mamuno sa impeachment proceedings, sino ang pipirma sa opisyal na mga dokumento, sino ang magdidirekta sa Secretariat, at sino ang magsasalita para sa institusyon sa mga usaping administratibo.

Patuloy namang kinokontra ni Cayetano ang mga aksyon ng bagong mayorya. Kinuwestiyon niya ang pagkakahalal kay Bantug bilang Senate Secretary, tinawag na ilegal ang reorganization, at iginiit na walang balidong batayan ang mga opisyal na aksyon sa ilalim ng pinagtatalunang liderato.

Sa kanyang press conference, inakusahan din ni Cayetano si Gatchalian ng pag-usurp ng awtoridad sa pamamagitan ng pag-aktong Senate President nang walang itinuturing ni Cayetano na balidong pagkakahalal.

“…pag pareho nakapirma para eventually pag nagkaroon ng decision, walang legal infirmity and it will also prevent mag-file ang dalawang kampo ng usurpation. Kasi of course as far as I’m concerned nag-usurp ng authority si Senator Win because he’s not really the acting president,” pahayag ni Cayetano.

Iginiit din ni Cayetano na kailangan ng 13 boto para mailuklok o matanggal ang Senate President, Senate President Pro Tempore, Senate Secretary at liderato ng Office of the Sergeant-at-Arms.

“Senate President Pro Temp, Senate President, Secretary of the Senate, OSAA, kailangan niyan 13 ang botong ilagay, 13 ang boto pag tinanggal. Hindi nila sinunod yan,” pahayag ni Cayetano.

Nanindigan naman ang panig ni Gatchalian na ang reorganization noong Hunyo 3 ang nagbigay sa bagong mayorya ng awtoridad na patakbuhin ang kapulungan at maghanda para sa impeachment proceedings.

Sa patuloy na standoff, nahaharap ang Senado sa dalawang agarang tanong: kung mapoprotektahan nito ang mga empleyado mula sa epekto ng labanan sa liderato, at kung maipagpapatuloy nito ang impeachment process nang walang karagdagang sigalot sa awtoridad.