Gatchalian Senator Win Gatchalian is proposing the allocation of P1.9 billion for the hiring of non-teaching personnel, which will help decongest teachers’ workload and improve the quality of their teaching./PRIB

Gatchalian isinusulong ang paglalaan ng P1.9 bilyon para sa hiring ng non-teaching personnel

141 Views

Ipinanukala ni Senador Sherwin Gatchalian ang paglalaan ng P1.9 bilyon para sa hiring ng non-teaching personnel, bagay na aniya’y makatutulong upang mabawasan ang dami ng trabaho ng mga guro at maiangat ang kalidad ng pagtuturo.

“Nirerekomenda natin ang paglalaan ng P1.9 bilyon. Alam kong malaking halaga ito para sa hiring ng 5,000 na administrative officers at 3,000 na project development officers upang matulungan ang ating mga guro na mabawasan ang kanilang mga gawaing administratibo. Ito ang isa sa mga bagay na maaari nating aksyunan agad upang iangat ang kalidad ng pagtuturo sa mga silid-aralan,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Iminungkahi ni Gatchalian na ilagay ang dagdag na pondo sa ilalim ng Personnel Services ng Department of Education (DepEd) para sa paglikha ng 5,000 na posisyon para sa Administrative Officer II at 3,000 para sa Project Development Officer. Batay sa pag-aaral ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO), lumalabas na walang nakalaan sa 2024 national budget ng DepEd para sa hiring ng non-teaching personnel.

Paliwanag ng mambabatas, nakakaapekto sa kalidad ng pagtuturo sa mga pampublikong paaralan ang dami ng mga dagdag gawain sa mga guro. Lumabas na rin sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019 na nakakaapekto sa pagtuturo ang mga administrative at student support roles ng mga guro, kabilang ang pakikilahok nila sa mga programang tulad ng pagbabakuna, deworming, halalan, at iba pa.

Noong 2022, hinimok ni Gatchalian ang DepEd na pag-aralan ang rekomendasyon ng PIDS kung paano mabibigyan ang mga guro ng mas maraming panahon para sa pagtuturo. Isa ito sa mga rekomendasyon ni Gatchalian nang ibahagi niya ang resulta ng isinagawang pagrepaso sa pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670).

Plano rin ng senador na amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers at gawin itong mas akma sa pangangailangan ng mga guro sa kasalukuyan.