Gatchalian1

Gatchalian itinangging may budget na dinadangle sa mga senator-judges

29 Views

ITINANGGI ni Senate President Sherwin Gatchalian na ginagamit ang 2027 budget para i-pressure ang mga senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

“Walang ganun na dinadangle sa senator or senator judges,” ani Gatchalian sa isang panayam.

Tugon ito ng senador sa post umano ng Bise Presidente na bumanggit sa mga alegasyon ng “cash distribution and political maneuvering” kaugnay ng budget.

Kinuwestiyon din umano niya kung naging “bargaining chip” na ang budget para i-pressure ang mga senator-judge.

Ayon sa kanya, noong Lunes lamang naipadala sa Senado ang budget. May mga paunang pag-aaral na ang Senado pero kasisimula pa lang nitong himayin ang panukala.

Bukas daw sa publiko ang proseso ng budget. Bukas ang mga pagdinig at naka-upload na ang mga transcript.

Ia-upload din ng Senado ang committee report, ang bersyon ng budget na aaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa, at ang mga amyendang gagawin ng mga senador, gaya noong nakaraang taon.

“Makikita nyo lahat ng movements sa budget,” aniya.

Masisira ang impeachment court dahil sa ganitong alegasyon, ayon kay Gatchalian. Iginiit niyang walang kinalaman ang budget sa magiging hatol.

“Ang direction ng impeachment is to render impartial and fair judgment,” wika niya.

Tinawag din ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na “unfair” ang pahiwatig ng Bise Presidente.