Gatchalian maaaring mamuno kung may 13 senador

30 Views

SINABI ni Senador Alan Peter Cayetano na maaaring mamuno sa Senado ang Gatchalian bloc kung mayroon itong 13 senador, ngunit iginiit na hindi magbabago ang posisyon ng kanyang grupo sa Blue Ribbon Committee at sa flood control inquiry.

Ayon kay Cayetano, hindi power o position ang ipinaglalaban ng kanyang bloc, kundi prinsipyo.

“Ang pinaglalaban namin hindi power, hindi position, prinsipyo,” sinabi ni Cayetano.

Sinabi niya na maaaring mamuno ang kabilang panig kung maipapakita nito ang kinakailangang bilang.

“Kung 13 na sa kanila, congratulations,” sinabi ni Cayetano.

“But sabi namin na anytime na 13 kayo, kayo na mamuno. Pero hindi magbabago principal namin,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Senador Erwin Tulfo na nagpapatuloy ang pag-uusap ng mga senador at umaasa siyang tutuparin ni Cayetano ang kanyang sinabi kung umabot sa 13 ang Gatchalian bloc.

“Pero hopefully, hindi na siguro baka sabihan na siya before the session, 13 na kami parang ganoon, bababaan na po yan. Dahil yan ang sabi niya. Pag may 13 kayo bababaan na po kami, bababaan na rao siya,” sinabi ni Tulfo.

Nang tanungin kung maaaring magkaroon ng decisive majority sa special session, sinabi ni Tulfo na posible ito ngunit hindi pa tiyak.

“Sana po. Tignan natin,” sinabi ni Tulfo.

Sinabi ni Cayetano na ang mahalagang tanong ay kung mananatiling tutok sa flood control issue ang Senado kung makukuha ng Gatchalian bloc ang numero.

“Kaya ang tanong ko, kung makukuha nyo yung 13, buburahin na naman natin yung flood control or ifrofront and center natin to,” sinabi niya.

Ayon kay Cayetano, patuloy na susuportahan ng kanyang bloc si Senador Rodante Marcoleta sa Blue Ribbon inquiry habang itinuturing nilang nasa ilalim pa ng kanilang grupo ang komite.

“The Blue Ribbon Committee, habang yan po ay legitimately under sa grupo, we will support Senator Dante Marcoleta,” sinabi ni Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na nasa ilalim ng pressure si Marcoleta at binanggit na may usapan tungkol sa posibleng legal action laban dito.

Hinimok din niya ang mga testigo sa flood control inquiry na magsalita sa kabila ng pressure at kawalan ng katiyakan.

“Witnesses, be strong, be steady in any way you can. Tell your story. Because you never know if you’ll have the opportunity or not,” sinabi niya.

Sinabi ni Cayetano na naniniwala ang kanyang bloc na target ng special session ang pagkuha sa Senate Presidency at sa Blue Ribbon Committee.

“Special session, we continue to discuss. But obvious sa amin, ang target dito ay kunin ang Blue Ribbon Committee at isecure yung Senate Presidency,” sinabi niya.

Ayon kay Cayetano, napag-usapan sa kanilang grupo na maaari nang kunin ng kabilang panig ang Senate Presidency at lahat ng komite, ngunit hiniling niyang iwan sa kanila ang Blue Ribbon Committee kung sincere ang kabilang panig sa flood control probe.

“Actually, pinag-usapan namin ng grupo, kunin na nila lahat. Senate Presidency, lahat ng committees. Pero kung sincere sila, iwan sa atin yung Blue Ribbon Committee para ang buong katotohanan,” sinabi ni Cayetano.

Dumating ang pahayag habang nagpapatuloy ang Senate leadership dispute bago ang June 17 special session, kung saan iginiit ng Gatchalian bloc na mayroon itong quorum habang kinukuwestiyon naman ng kampo ni Cayetano sa Supreme Court ang June 3 reorganization.