Calendar
Gatchalian mamumuno sa trial ni VP Sara unless iba piliin ng mayorya
IGINIIT ni Senate President Sherwin Gatchalian na siya ang mamumuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte maliban kung maghahalal o magtatalaga ang mayorya ng mga senador ng ibang presiding officer.
Sa panayam sa DZMM, binanggit ni Gatchalian ang impeachment rules ng Senado na nagsasabing ang Senate President ang mamumuno sa paglilitis. Gayunman, sinabi niya na maaari pa ring pumili ang mga senador ng ibang presiding officer kung iyon ang pasya ng mayorya.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang Senado ang may tanging kapangyarihang lit0@•isin at pagpasyahan ang impeachment cases, at ang Chief Justice lamang ang mamumuno kung ang nililitis ay ang Pangulo ng Pilipinas. Para sa impeachment case ng ibang opisyal, kabilang ang Vice President, ang presiding officer ay nakabatay sa impeachment rules ng Senado.
“Kung gusto ng majority at yun ang gusto ng majority, mag-elect o mag-designate ng iba,” ani Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na inaasahang tututok ang unang araw ng impeachment trial sa administrative at preliminary matters, kabilang ang pagharap ng prosecution at defense panels, opening statements, at mga usaping may kaugnayan sa pre-trial order.
“Typically sa first day ang mga administrative, preliminaries, papakilala yung defense, papakilala yung prosecution, magbibigay rin sila ng kanilang opening statements at may preliminaries rin na tatalakayan,” sinabi niya.
Sinabi niya na magpapadala ang Senado ng summons kay Duterte bago ang proceedings. Ayon kay Gatchalian, pinapayagan ng rules na humarap ang Vice President sa pamamagitan ng kanyang representative o counsel.
“Meron na kaming papadalang sulat para inibitahan ang vice president na pumunta sa ating first day of impeachment,” ani Gatchalian.
Nang tanungin kung kailangang personal na humarap si Duterte, sinabi ni Gatchalian na pinapayagan ng rules ang representation by counsel.
“Correct. Under our rules pinapayagan yan,” sinabi niya.
Ipinaliwanag din ni Gatchalian na may prosesong kahawig ng arraignment, bagaman hindi ito aktuwal na arraignment sa ilalim ng rules.
“Wala talaga siyang tinatawag na actual arraignment pero may arraignment-like procedure under our rules,” ani Gatchalian.
Sinabi niya na naghahanda ang Senado para sa trial sa iba’t ibang aspeto, kabilang ang seguridad, physical arrangements, at backup power. Sinabi niya na nakipagpulong ang Senate officials sa security cluster, kabilang ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Metropolitan Manila Development Authority, at Pasay City government.
“All at the same time. Of course security aspect, physical arrangement aspect, pati generator nga. Sinisugurado namin ayusin generator para pag nagka-brownout meron tayong kuryente,” ani Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na maaaring tumagal nang pito hanggang walong buwan ang paglilitis batay sa unang hininging panahon ng dalawang panig. Ayon sa kanya, humingi ang prosecution ng mahigit 60 araw, habang humingi naman ang defense ng humigit-kumulang 30 araw.
“So around 90 to 90 plus days yan. Pag dinivide natin yan ng three times a week, aabot tayo ng mga seven to eight months kaya matagal,” sinabi niya.
Sinabi niya na nakadepende pa rin ang timetable sa bilang ng mga testigong ihaharap at kung itutuloy ng magkabilang panig ang lahat ng nasa kanilang listahan.
Inamin ni Gatchalian na maaaring makahati sa publiko ang proceedings at sinabing mas mabuti kung mas maikli ang trial para sa Senado at sa taumbayan.
“Pipilitin natin na maiksihan ito dahil ako I agree with you very divisive itong prosesong ito dahil may kanya-kanyang mga supporters, may kanya-kanyang mga grupo,” ani Gatchalian. “The shorter the better.”
Sinabi niya na kailangan ding balansehin ng Senado ang trial sa legislative calendar nito, kabilang ang committee reports, 50 LEDAC bills, at budget season na inaasahang magsisimula sa Agosto.
Ayon kay Gatchalian, maaaring magsagawa ang Senado ng regular sessions sa umaga at impeachment proceedings sa hapon nang tatlong beses kada linggo.
“Napakahirap talaga. Aminado ako hindi ganoon kadali ang mangyayari dahil maraming pagbabalansin ng oras,” sinabi niya.
Nang tanungin kung ilang senador ang inaasahan niyang dadalo sa opening day, sinabi ni Gatchalian na inaasahang papasok ang lahat ng senador na pisikal na kayang lumahok. Binanggit niya na matagal nang hindi pumapasok sa Senado si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Tinanong tungkol sa posibleng pagharap ni Dela Rosa, sinabi ni Gatchalian na may outstanding warrant at dapat igalang ang legal process.
“May outstanding warrant Alvin. So kailangan respetuhin ang proseso natin,” ani Gatchalian.
Sinabi rin ni Gatchalian na magpapatuloy ang ibang trabaho ng Senado sa kabila ng impeachment trial, kabilang ang imbestigasyon sa umano’y flood control irregularities.
“Lahat ng bagay na tinatalakay ng Senado ay importante,” ani Gatchalian. “Pag-iimbestigan ng flood control, impeachment, pagbabalangkas ng batas. Napaka-komplikado ang pagbabalansin ng oras sa susunod na panahon pero gagawin ng Senado yan.”
Sinabi niya na bahagi ng accountability system ng bansa ang impeachment process at dapat itong magpatuloy upang marinig ng publiko ang mga katotohanan at makapagdesisyon ang Senado sa takdang panahon.
“Itong proseso na ito parte ng ating sistema at importante na matuloy ang proseso dahil ito parte ng accountability o pananagutan,” ani Gatchalian.
