Gatchalian

Gatchalian nagpahayag ng pangamba sa cybersecurity ng financial institutions, public utilities

129 Views

NAGPAHAYAG ng pangamba si Senador Sherwin Gatchalian tungkol sa potensyal na banta sa cybersecurity ng mga financial institution at mga pampublikong utility kasunod ng pag-hack sa ilang mga institusyon ng gobyerno.

“Parang organized ang mga hacking na nangyayari at hindi coincidence. Pero ang tingin ko posibleng umpisa lang ito ng mga makikita pa nating mga problema,” ayon kay Gatchalian. Nagbabala siya na baka isunod na ng mga hacker ang ilan pang mahahalagang institusyon tulad ng mga bangko, at public utilities at critical services tulad ng mga paliparan, water distribution, at power transmission lines, kung hindi nila maagapan ang anumang posibleng cyberattack.

“Nakikita dito na hindi talaga tayo handa. Kailangan nating kumilos agad. Ito ay isang malinaw at kasalukuyang panganib na kailangan nating tugunan sa lalong madaling panahon,” babala niya.

Sinabi ni Gatchalian na ang serye ng mga pag-atake sa cybersecurity ng mga ahensya ng gobyerno, na may hawak ng mahahalagang database, tulad ng Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth), at House of Representatives ay patunay lamang ng kawalan ng kahandaan ng gobyerno na harangin ang mga ganitong pag-atake sa cybersecurity.

Maging ang Department of Information and Communications Technology (DICT), aniya, ay umamin na ang gobyerno ay hindi handa sa mga ganitong insidente. Nauna nang sinabi ni Gatchalian na pinapaboran niya ang pagbibigay sa DICT ng confidential fund upang mapondohan ang ahensya sa paglaban nito sa cybersecurity attack.

“Concerted effort ito. Sinasadya at tinetesting ang kapasidad ng ating gobyerno. Nakakabahala na baka lumalim,” saad ni Gatchalian.

Muli, iminungkahi ni Gatchalian ang kanyang panukalang batas na dinisenyo upang palakasin ang kakayahan sa cybersecurity ng mga organisasyon sa bansa. Sa ilalim ng Senate Bill 2066 ng senador, o ang Critical Information Infrastructure Protection Act, kakailanganin ng mga organisasyon na magkaroon ng sarili nilang cybersecurity experts at kailangan nilang bumuo ng cybersecurity plan.

Ang panukalang batas ay nagmamandato sa lahat ng critical information institutions (CII) na magpatibay at magpatupad ng mga sapat na hakbang upang protektahan ang kanilang mga sistema at imprastraktura ng information and communications technology (ICT) at tumugon sa anumang insidente ng information security.